PAGLAYA NG TULA, TULA NG PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod
i.
matagal nang nakabaon
sa maraming henerasyon
sa tugma't sukat nakulong
ang mga tulang umusbong
tula'y paano lalaya
sa mga sukat at tugma
at ano bang mapapala
pag pinalaya ang tula
ii.
dumating din ang panahong
inilunsad ang rebelyon
laban sa tulang kinahon
sa tugma't sukat kinulong
tila sila'y pinagpala
nagtagumpay ang makata
kaya tula ng paglaya
ang ngayon ay kinakatha