IBA NA ANG KLIMA NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
bumaha doon, bumaha dito
tunay ngang kayrami nilang kwento
gayong di naman dating ganito
ngayon, tinamaan ng delubyo
sadyang iba na ang klima ngayon
nagbagong klima'y ano ang rason
araw na araw, naglilimayon
ngunit bigla na lamang aambon
bakit ba klima'y biglang nagbago
di ito likas sda kanyang siklo
may dahilan, gawa ba ng tao't
ng bansang industriyalisado?
pag-aralan ang klima't lipunan
mga ito'y tiyak may ugnayan
sino nga ba ang may kasalanan
sa pagkasira ng kalikasan?
kung problemang ito'y ating batid
kumilos tayo, mga kapatid
bagong pag-asa'y ating ihatid
nang buhay ay di basta mapatid
- Tiaong, Quezon, Okt. 6, 2014
* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda