Miyerkules, Marso 5, 2025

Maaliwalas na umaga

MAALIWALAS NA UMAGA

maaliwalas ang umaga
na nagbibigay ng pag-asa
upang nagdaralitang masa
ay patuloy na makibaka

nang asam na hustisya'y kamtin
na iyon ang pangarap man din
na pati presyo ng bilihin
ay tuluyan nang pababain

ang umaga'y maaliwalas
na tanda ng magandang bukas
at tumungo sa nilalandas
na asam na lipunang patas

hayo, magpatuloy sa layon
dukha't obrero'y magsibangon
tuparin ang yakap na misyon
nang bagong sistema'y matunton

- gregoriovbituinjr.
03.05.2025

Suot ang bota kapag namatay

SUOT ANG BOTA KAPAG NAMATAY

kung sakali mang ako'y matsugi
nais kong tangan pa rin ang mithi
na magwagi ang mga kauri
na baguhin ang sistemang imbi

di ang mamatay sa katandaan
di ang maratay sa karamdaman
mas nais kong mamatay sa laban
tungong pagbabago ng lipunan

may isang popular na idiom
sabi'y "I'd like to die with my boots on."
iyan din ang aking nasa't layon
hanggang maipagwagi ang misyon

mamatay sa misyon ay kaytamis
isang halimbawa ay kaparis
ng pagkapaslang kay Archimedes
na isang mathematician sa Greece

ito ako, karaniwang tao
kapiling ng masa at obrero
tagumpay sana'y masilayan ko
habang naririto pa sa mundo

- gregoriovbituinjr.
03.05.2025

* mula sa Wikipedia: "To "Die with your boots on" is an idiom referring to dying while fighting or to die while actively occupied/employed/working or in the middle of some action. A person who dies with their boots on keeps working to the end, as in "He'll never quit—he'll die with his boots on." The implication here is that they die while living their life as usual, and not of old age and being bedridden with illness, infirmity, etc."