Linggo, Marso 7, 2010

BOTO - Buy One, Take One?

BOTO - Buy One, Take One?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sino bang iboboto mo, juan
yung mga trapo ba o basahan
ang tanging boto mo sa halalan
ay ibebenta mo bang tuluyan?

ang boto mo'y bibilhin ng trapo
tutal ang pera'y kailangan mo
kahit lang ito'y sandaang piso
bibilhin niya para sa boto

iyang boto mo ba'y Buy One, Take One
na bibilhin ng trapong gahaman
kapalit ng pagkain sa tiyan
at bahala na kinabukasan?

sadyang nais ng trapong manalo
at makaupo na sa gobyerno
ang gagawin ba ng trapo'y ano?
kurakot doon, kurakot dito?

hoy, mahiya ka sa taumbayan
kung sa trapo'y ibebenta lamang
itong kinabukasan ng bayan
laban sa tagumpay ng puhunan

balani ang kalansing ng piso
lalo't kumakalam ang tiyan mo
Buy One, Take One ang nais ng trapo
bili ang boto, kasama kayo

aba'y mag-isip-isip ka naman
huwag basta ibenta na lamang
ang sa pamilya'y kinabukasan
dahil tiyak lugi tayo riyan

Ang Pagpili sa Wala

ANG PAGPILI SA WALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pinahihintulutan tayong muli
sa bawat halalan ay makapili
nitong susunod na mang-aaglahi
sa bayan at sunod na salinlahi

pulos trapong muli ang kandidato
na nananawagang sila'y iboto
pulos sila pangako doon, dito
para makabig ang maraming tao

at pipili muli tayo ng wala
wala pagkat sila'y dapat isumpa
silang sa atin ay walang adhika
kundi apihin lalo tayong dukha

lagi na lang nangangako sa bayan
lulutasin nila ang kahirapan
ngunit pag naroon na sa upuan
ang masa'y di na nila mapuntahan

sa kapangyarihan ay nalulong na
at nakalimutan na rin ang masa
maging aral nawa sa bawat isa
na sa kanila'y di dapat umasa

Makipamuhay sa Masa

MAKIPAMUHAY SA MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

halina't makipamuhay sa masa
at matuto sa karanasan nila
tara na't sabay-sabay makibaka
hanggang sa makamit ang demokrasya
at tunay na panlipunang hustisya

Halina't Pag-aralan ang Lipunan

HALINA'T PAG-ARALAN ANG LIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

halina't pag-aralan natin ang ating lipunan
alamin kung bakit may mahihirap at mayaman
bakit sa kabila ng inabot na kaunlaran
bilyon-bilyong tao itong lugmok sa kahirapan

sabay-sabay nating itong lipunan ay maaral
bakit nga ba may lipunang primitibo komunal
at bakit nga ba may lipunang alipin at pyudal
bakit ibabagsak ang paghahari ng kapital

dapat nating malaman yaong dahilan at isyu
ng mga manggagawa, kababaihan, obrero
magsasaka, kabataan, iba pang sektor dito
bakit nga ba laganap sa ngayon ang mga trapo

halina't pag-aralan natin ang ating lipunan
suriin natin ang mga nangyayari sa bayan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
upang ang mga nagaganap ay maunawaan

at habang inaaral natin ang lipunang ito
alamin natin kung paano ito mababago
paano ang lumang sistema'y dudurugin dito
paano maitayo ang lipunang sosyalismo