Linggo, Marso 7, 2010

Halina't Pag-aralan ang Lipunan

HALINA'T PAG-ARALAN ANG LIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

halina't pag-aralan natin ang ating lipunan
alamin kung bakit may mahihirap at mayaman
bakit sa kabila ng inabot na kaunlaran
bilyon-bilyong tao itong lugmok sa kahirapan

sabay-sabay nating itong lipunan ay maaral
bakit nga ba may lipunang primitibo komunal
at bakit nga ba may lipunang alipin at pyudal
bakit ibabagsak ang paghahari ng kapital

dapat nating malaman yaong dahilan at isyu
ng mga manggagawa, kababaihan, obrero
magsasaka, kabataan, iba pang sektor dito
bakit nga ba laganap sa ngayon ang mga trapo

halina't pag-aralan natin ang ating lipunan
suriin natin ang mga nangyayari sa bayan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
upang ang mga nagaganap ay maunawaan

at habang inaaral natin ang lipunang ito
alamin natin kung paano ito mababago
paano ang lumang sistema'y dudurugin dito
paano maitayo ang lipunang sosyalismo

Walang komento: