Miyerkules, Pebrero 24, 2010

Wala Sanang Bumoto sa Trapo


WALA SANANG BUMOTO SA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
isang pagmumuni sa larawan sa itaas
10 pantig bawat taludtod

wala sanang bumoto sa trapo
anang bata doon sa litrato
naisip yata ng batang ito
na mga trapo'y sakit sa ulo

mga trapo kasi'y nangangako
ng kadalasan nilang ipako
sa kampanyahan ay kaytitino
ngunit pag nanalo'y naglalaho

naglalaho sa harap ng madla
gayong nangako sa maralita
"di na kayo magiging dukha
pag nanalo'y di kayo luluha!"

tama ang bata sa kanyang hibik
huwag iboto ang trapong lintik
dahil hirap lang ang ihahasik
trapo'y dapat lamang mapatalsik

Trapo'y Perwisyo at Di Serbisyo

TRAPO'Y PERWISYO, AT DI SERBISYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bakit ayaw namin sa mga trapo
lalo na't ito'y trapong kandidato
silang imbis sa bayan magserbisyo
ginagawa nila'y sadyang perwisyo

sila'y pulos na lang katiwalian
pag nakuha na nila ang upuan
sa kanila'y uso ang kurakutan
at binababoy ating karapatan

sa mga trapo ba'y may mapapala
gayong ang ugali nila'y kuhila
mga sakim sa tubo't palamara
na dulot sa bayan ay dusa't luha

kaya bakit trapo ang iboboto
at iluluklok sila sa gobyerno
bakit ihahalal silang perwisyo
wala na nga bang iba kundi trapo

ang mga trapo'y dapat lang sumbatan
pagkat di nagseserbisyo sa bayan
sa trapo'y negosyo ang katungkulan
na dapat lang nilang pagkakitaan

Sa Mga Kandidatong Bulag

SA MGA KANDIDATONG BULAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Ginagamit na naman nyo kaming mga dukha
sa inyong kampanya upang kayo lang ay mahalal
Gayong di nyo pansin itong buhay ng maralita
gamit pala namin sa inyo'y boto, mga hangal

Sa aming mga dukha'y lagi kayong nangangako
nangangako ng kung anu-ano, maboto lamang
Ngunit pag nakapwesto na, pangako'y pinapako
pinapako sa dingding ng kawalang katarungan!

Kayong kandidato'y dilat nga ngunit sadyang bulag
nasa harapan na ang problema'y di pa makita
Kayong pag nakapwesto'y unang-unang lumalabag
ang mismong batas imbes na paglingkuran ang masa

Ang dapat sa tulad nyo'y pagsisipain sa mukha
dilat nga kayo ngunit kandidato palang bulag
Dukha'y hirap na nga ngunit kayo'y walang magawa
kaharap na ang problema'y di kayo mabagabag