Martes, Hulyo 6, 2021

Sa pagtatanim ng mabuting binhi

SA PAGTATANIM NG MABUTING BINHI

itanim din natin ang makabubuti sa budhi
habang pagpapakatao ay pinapanatili
itatanim natin ay pulos mabubuting binhi
upang mawakasan ang panahon ng mga imbi

at bubungkalin natin ang lupa ng kawalan
upang itanim ay pawang binhi ng kabuluhan
araw-gabing didiligan kung kinakailangan
upang magkasanga't magkaroon ng katuturan

mga sanga'y hahaba, tutubo ang mga dahon
magiging bunga ba'y mapakla o masarap iyon
marahil, depende sa mga ginagawang aksyon
kung maganda ang patutunguhan ng nilalayon

hanggang dumating na ang panahon ng pamimitas
dito na malalaman kung tama ang nilalandas

- gregoriovbituinjr.

Aya, Laya, Ilaya

AYA, LAYA, ILAYA

sumusukob man ang alalahanin sa gunita
nagbabadya man ang unos na dahilan ng baha
ngitngit man ng kalikasan ay riyang nagbabanta
mga palaisipan ay malulutas ding pawa

kaaya-aya ang umaga't pakuya-kuyakoy
habang sa ilaya, magsasaka'y nagpapatuloy
laya'y pangarap ng mga bilanggong nananaghoy
tulad ng paglipad sa langit ng malaking banoy

kinalulugdan kong magsagot ng palaisipan
lalo sa mga panahong nadarama'y kawalan
tititig sa kisameng hagilap ay kasagutan
tititig sa pahina ng salita't katitikan

patuloy sa pagsulat ang nangingimay na kamay
tungo sa mga saknong at katagang binabaybay
palaisipan ang kaharap habang nagsisikhay
at makatapos sa napakalayong paglalakbay

- gregoriovbituinjr.

Pagdalumat

PAGDALUMAT

binabasa ko ang samutsaring paksa't dahilan
lalo't mga lihim ng daigdig o kalikasan
pagbakasakaling mabatid ang di karaniwan
upang gawin ang marapat ng walang alinlangan

patungkol sa mga isyung kaygandang dalumatin
na kung pahihintulutan ay iisa-isahin
tulad ng sandaang asong bayaning itinuring
at limandaang bantog na taong dapat kilanlin

dapat lang madalumat ang anumang kasawian
tulad ng pag-unawa sa ramdam na kasiyahan
nababatid mo ba ang kanilang kabayanihan
kung ipagwawalambahala ang kasalukuyan

nais kong makasama ang mutya sa panaginip
upang magkahawak-kamay na mundo'y nililirip
baka maraming boluntaryo ang aming mahagip
upang sa kalikasan ay tumulong sa pagsagip

kung anong nararapat, kaibigan, ay turan mo
upang makapaghanda sa parating na delubyo
kung may libreng oras ka'y magbasa-basa ng libro
at baka mabatid paano tayo sasaklolo

- gregoriovbituinjr.