Lunes, Agosto 23, 2021

Pananghalian sa opis

PANANGHALIAN SA OPIS

simpleng ulam na vegetarian sa opis kanina
pampahaba raw ng buhay ang talong, LONG talaga?
may sawsawang bagoong, gulay ang ulam tuwina
pati pampalusog ding sitaw, okra't kalabasa

marahil pampapayat din dahil wala nang karne
na pag nagkasakit, tititig na lang sa kisame
ang pasya kong maging vegetarian ay pasakalye
tungo sa kalusugan nang may mabuting diskarte

di naman ito salungat sa tutugpaing buhay
na malusog ang puso't diwa kahit nagninilay
habang ang diwa ng Kartilya'y isinasabuhay
at kasama ng obrerong nagkakaisang hanay

kumakain ng gulay at nakikibaka pa rin
vegetarian na'y budgetarian pa ang bulsa't turing
upang lumusog ang sinumang aktibistang gising
upang di sa sakit bumagsak, tuloy ang layunin

- gregoriovbituinjr.
08.23.2021

Paghihintay

PAGHIHINTAY

gutom ang inabot ko sa mahabang paghihintay
mahirap basta umalis sa pinuntahang hanay
at wala ring malapit na pagkakainang tunay
kahit sana may magbenta ng biskwit o tinapay

sa bawat paghihintay ay dapat magpakatatag
sikmura na'y humahapdi sa pilang di matinag
ang paisa-isang usad ng pila'y pampalubag
ngunit kagutuman ay sadyang nakapangangarag

kalahating oras, isang oras na nakapila
ang dalawang oras na pila'y kakayanin pa ba
di ko na kaya ang gutom, ako'y nakiusap na
sa katabi, ah, upang makalamon na talaga

naghanap ng makakainan sa dako pa roon
wala, hanggang ako'y lumabas sa pasilyong iyon
may vendor, walang kanin, ulam, biskwit ang mayroon
kaya biskwit ang inalmusal sa tanghaling iyon

aral: huwag kang aalis nang wala pang almusal
agahan ang gising, magluto, kumain, dumatal
nang maaga sa pupuntahan, huwag matigagal
kanina, nakuha rin ang hinintay kong matagal

- gregoriovbituinjr.
08.23.2021

Pighati

PIGHATI

di ko sukat akalain ang pighating nadama
ng inang lumuha dahil sa kawalang hustisya
aba'y paano pa kaya kung aktwal kong nakita
ang karumal-dumal na krimeng matutulala ka

pinupuntirya na ba nito'y ating katinuan
na maging katarungan ay di na pinapanigan
lalo't mga pagpaslang na'y dulot ng kabaliwan
pumapaslang alang-alang daw sa kapayapaan

imbes na sa katarungan at karapatang pantao
nakatutok ang rehimeng dapat nagseserbisyo
sa mga pagpaslang na umabot ng libu-libo
di na dumaan sa proseso o due process of law

hustisyang nakapiring kaya'y anong itutugon
sa nangyayaring karahasan sa ating panahon
katarungang hanap ay huwag sanang maibaon
sa limot o sa libingang nasa dako pa roon

- gregoriovbituinjr.
08.23.2021

Kerima

KERIMA

ipinangalan siya sa bantog na manunulat
at sa isang aktibistang nagsakripisyong sukat
isa rin siyang makatang tula'y dapat mabuklat
upang basahin paano namulat at nagmulat

ayon nga kay Robert Frost sa tulang The Road Not Taken
na kamakailan lamang ay aking isinalin
nilandas niya ang lansangang bihirang tahakin
upang paglingkuran ang masang dapat palayain

ang kanyang naging buhay ay kapara rin ng tula
minsan ay nakabartolina sa sukat at tugma
may malayang taludturan din tungo sa paglaya
habang tapat na naglilingkod sa bayang dalita

di man kilalang personal, nababasa ko siya
dahil kanyang mga akda'y kung saan naglipana
at nang nangyari sa kanya sa balita'y nabasa
ay tanging paghanga ang maiaalay sa kanya

bilang makata'y pagpupugay ang tanging paabot
sa kanyang pagkamatay na lipunan ang kasangkot
siyang hangad na ituwid ang sistemang baluktot
at palayain ang bayan mula sa mga buktot

- gregoriovbituinjr.
08.22.2021

* litrato mula sa google

Kamulatan

KAMULATAN

kung kumportable lang sa buhay, di makasusulat
ano pang dahilan ng pagkathang walang katulad
ano pang rason ng manunulat upang manumbat
at mga kabulukan ng lipunan ay ilahad

kung kumportable lang sa buhay ay di na kakatha
dahil nasa toreng garing na ako't pinagpala
ano pang makikita ko roong dapat itula
kundi purihin lang ang yaman at mga kuhila

di man kumportable, manggagawa't dukha'y karamay
kaya sa paligid ko'y laksang paksa'y nahalukay
naisusulat ang dusa't lungkod sa simpleng bagay
tulad ng mga sugat na sa puso nakaratay

nararamdaman ng makata ang hikbi't hilakbot
sa bulok na sistemang ngitngit ang idinudulot
paraan niya'y ilantad ang sistema ng buktot
linisin ang dumi't ituwid ang mga baluktot

humihikbi ang loob, sa labas ay nakangiti
ganyan ang makatang nakatawa ngunit may muhi
sa sistemang bulok na ayaw niyang manatili
lalo't pagsasamantala ng tusong naghahari

mahirap pa sa daga ang kalagayan sa lungga
at sa mundong iyon ay nalilikha ang paglaya
na sa lipunang pangarap ay mulatin ang dukha
at panlipunang hustisya'y itaguyod sa madla

- gregoriovbituinjr.
08.23.2021