DALUYONG SA SENDAI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
mga barko'y dinuyan-duyan ng daluyong
naglutangan sa dagat na tila kabaong
saglit lang, kaligtasan ang ibinubulong
ng munting bayan sa malayong bansang iyon
pagkalaking lindol ang umuga sa bayan
at pagkatapos noon ay tsunami naman
gusali'y wasak, baha sa mga lansangan
masa'y nagulantang, mukha'y nahintakutan
sinapit nila'y mas matindi pa sa Ondoy
nilindol na'y tsunami pa ang isinaboy
ganti ba ito ng kalikasang binaboy
tila sa sariling bayan na'y itinaboy
napuruhan sa bayang Miragi ang Sendai
kung saan maraming naglaho't nangamatay
sama-samang bahay at buhay ang tinangay
mga nangaligtas ay sakbibi ng lumbay