Miyerkules, Abril 28, 2021

Simulaing nilulunggati

simulaing nilulunggati   
sa iwing puso'y naghahari
habang kinukurot ang budhi
pag-ibig ang namumutawi

binibitbit lagi ang bayag
nagsusuri ngunit di bulag
problema't isyung nakalatag
ay solusyon ang inaambag

lumilipad ang mga lawin
sa matayod na panginorin
minsan nga'y di mo iisipin
na ikaw pala'y dadagitin

mistula silang mga aba
hinahamak lang ng burgesya
wala nang galang sa hustisya
karapatan ay binastos pa

kaya dapat may pagbabago
upang masa'y di matuliro
lansagin ang kapitalismo
at itayo'y sistemang bago

isang makataong lipunan
gumagalang sa karapatan
hustisya'y pinaglalaban
nagpapakatao ang tanan

- gregoriovbituinjr.

Parang langay-langayan

para lamang akong langay-langayang nasa hawla
di tulad ng langgam na laging maraming kasama
walang magkomento sa pahayag kong nagawa na
para sa pinagsisilbihang samahan at masa

kahit sa panawagang katarungang panlipunan
o pagbago sa sistemang tadtad ng kabulukan
kahit sa nalikhang tula para sa sambayanan
upang kung may mali sa sinabi'y aking malaman

tila baga walang mga kasangga o kakampi
bahala ka diyan, sa pag-iisa'y tanging saksi
para bang langay-langayang ayaw nilang makanti
o kaya'y kalabitin man lang gayong magkatabi

tila ako langay-langayang kanilang nabihag
naduling sa bitag, isip kasi'y anong maambag
sana'y may magkomento na sa tula ko't pahayag
nang di madama ang pag-iisa't buhay na hungkag

- gregoriovbituinjr.