Sabado, Marso 29, 2008

Tula.45

TULA . 45
ni Greg Bituin Jr.

Ang tula’y parang kalibre .45
Ang taludtod ang siyang puluhan
Ang saknong ang siyang kaluban
Ang tayutay ang siyang gatilyo
Ang talinghaga ang siyang punglo
At ang makata ang siyang birador
Na maaaring pumaslang
Sa baluktot na utak
Ng mga kaaway ng masa.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 2, Taon 2004, p.8.

Maghanda Ka, Aktibista

MAGHANDA KA, AKTIBISTA
ni Greg Bituin Jr.

maghanda ka, aktibista
pagkat naririyan lamang silang
handang dumurog sa iyong katatagan
maghanda ka, aktibista
at huwag mong payagang
pigilan ka nila sa pagsisiwalat
ng katotohanan at paglilingkod
sa inaping sambayanan

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 2, Taon 2004, p.8. 

Ang Manggagawa at ang Baboy

ANG MANGGAGAWA AT ANG BABOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa kainitan ng araw
Isang manggagawang pagod
Ang naghihimutok
Pagkatanggap niya ng sahod.
“Buti pa iyang baboy
Bawat kilo niya’y mahal
Di tulad nitong lakas-paggawa
Per ora ko ay napakamura.”

Ang manggagawa ay nabigla
Nang ang baboy ay nagsalita,
“Huwag mong iparis
Ang aking taba at laman
Sa halaga ng iyong
Matipunong katawan.
Mas mabuti ka pa pagkat
Lakas-paggawa ay bayad.
Per ora nga, ngunit buhay ka.
Samantalang akong baboy
Bago mapakinabangan
Ay pinapatay muna.”

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8. 

Pagbangon

PAGBANGON
ni Greg Bituin Jr.
(tig-aanim na pantig)

Marami nang beses
Na ako’y bumagsak
Ngunit ako nama’y
Tumatayo agad.
Ang paniwala ko’y
May solusyon naman
Ang bawat problemang
Aking nahaharap.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8. 

Ako'y Anak ni Magdalena

AKO’Y ANAK NI MAGDALENA
ni Greg Bituin Jr.

Inay, Inay, ikaw po ay nasaan
Bakit tanging anak mo’y iyong iniwan
Nasa ospital ka raw, anang kapitbahay
Dahil raw sa AIDS kaya ka nakaratay.

O, aking ina, bakit ka riyan nasadlak
Bakit sa sakit pang iyan ka napahamak
Isipan ko’y nagtatanong, mahal kong ina
Karamdaman mong iyan ay saan mo nakuha?

Pinipilit kong balikan ang pinagdaanan
Ng ating pamilyang sadlak sa kahirapan
Ako’y putok sa buho, walang amang kinagisnan
Nabuhay tayo, Inay, kahit tayong dalawa lamang.

Sa beerhouse ka raw nagtrabaho
Bilang weytres sa mga babaero’t lasenggo
Kayod araw at gabi ang siyang ginawa mo
Upang tiyakin lamang ang kinabukasan ko.

Pagmamahal mo’y kinasasabikan ko na
Matagal na panahong hinahanap-hanap kita!
Mahal kong Inay, ako ba’y lilisanin mo na?
Kaya kapitbahay ang sa akin ay nag-aaruga?

Kung tunay ngang AIDS iyang sakit mo
Tayo’y pinaghiwalay ng sakit na ito
Ang hiling ko lamang ay magkita pa rin tayo
Pagkat anumang mangyari, anak mo pa rin ako.

Di pa panahon, Inay, na ako sa inyo’y mawalay
Sa pagkakasakit ninyo, nais kong ako ang aalalay.

Kwento ni Mang Pedro

KWENTO NI MANG PEDRO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tahimik na ginugunita
Ni Pedrong Manggagawa
Ang mahal niyang asawa
At mga anak na malalaki na.
Dahil sa kanyang pagsisikap
Naitayo ang tahanang pangarap.

Mula sa pabrika, siya’y umibis
Sa dyip na sadya ngang kaybilis
Pag-uwi, pamilya niya’y tumatangis
Pagkat bahay nila ay dinemolis.
Nawalan agad sila ng tahanan
Dahil ba sila’y pobre lamang?

Biglang sulak ng kanyang dugo
Ipinundar niya’y agad naglaho
Dinemolis ng walang abiso
Ng mga walang-awang berdugo.
Sadyang terorismo ang demolisyon
Pagkat wala itong magandang layon!

Naisip niyang maralita’y magkaisa
Kaya agad siyang nag-organisa
Kasama ang iba pang maralita
Na pawa ring naging biktima
Ang kanilang hangad ay idepensa
At muling itatayo ang pinaghirapan nila

Pagkakaisa nila, sana’y magbunga
Ng tagumpay na mapayapa
Ngunit kung dugo ay babaha
Sila’y sadyang naging handa
Pagkat bahay ay isang karapatan
Ipaglalaban ito para sa kinabukasan.

Huwag Magpapaniwala sa mga Pamahiin

HUWAG MAGPAPANIWALA SA MGA PAMAHIINni Gregorio V. Bituin Jr.

Huwag magpapaniwala sa mga pamahiin
Wala itong idudulot na mabuti sa atin
Ito’y paniniwala lamang ng mga matatakutin
Pananaw nila’t isip ay sadyang baluktutin.

Pamahii’y nagmula noon pang unang panahon
Upang maipaliwanag ang di masagot na kwestyon
Mga matatanda’y pilit nag-imbento ng mga tugon
Upang bagay-bagay ay di mabigyang eksplanasyon.

Ngunit paliwanag nila’y pawang baluktot naman
Sapagkat di ito nagmula sa pagsusuring malaliman
Nag-imbento ng mga pamahiing walang katuturan
Tinamad analisahin ang mga di maarok ng isipan.

Malas daw ang pusa’t paruparong itim
Anong kasalanan ng mga ito’t malas ang turing
Anila pa’y bwal ding magwalis sa gabi
Dahil daw sa bahay, baka mawala ang swerte.

Ang swerte ba’y nagmula sa kalat at dumi?
O tamad lamang sila kaya’t tinatakot ang sarili
Ah, punung-puno sadya ang kanilang guniguni
Ng mga pamahiing totoo namang walang silbi.

Nag-imbento ng pamahii’y takot sa pagbabago
Tamad magsuri ng mga bagay-bagay sa mundo
Panahon nang magbago na siyang panawagan ko
Paniniwala sa pamahii’y kalimutan na ninyo.

Ang kailangan ngayon ay mahusay na pagsusuri
Sa mga bagay-bagay na sa lipuna’y nangyayari
Huwag magpadala sa siphayo, lalo na sa guniguni
Ang dapat nating gawin ay magsuri tayong maigi.

Ang pamahiin ay imbensyon ng mga mangmang
Mga di nag-iisip at sa takot ay nagpapalamang
Panahon nang tanggalin ang pagiging utak-alamang
Sabi nga ng ASIN, “Ang takot ay nasa isip lamang.”

- nalathala sa aklat na "Ningas-Bao" at sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 2, Taon 2003, p.8.

Pulitikong Laway

PULITIKONG LAWAY
ni Greg Bituin Jr.

O, lingkod ng bayan, ikaw ba’y inutil?
Dali raw lapitan ay di mahagilap
Ang mga gaya mo’y pawa nga bang taksil?
Pagkat niloloko itong mahihirap.

Nang ikaw’y tuluyang maupo sa pwesto
Agad mong nalimot ang iyong pangako
Di mo na kilala itong mga tao
Mga panata mo’y agad ding naglaho.

Napakarami mong pangako sa madla
Pinaniwala mo itong mga masa
Ikaw pala’y tamad at isang pabaya
Nilulustay mo lang ang sa baya’y kwarta.

Ang tulad mo pala’y isang manlilinlang
Baba riyan pagkat hanggang laway ka lang!

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 3, Taon 2003, p.8.