Miyerkules, Nobyembre 26, 2008

Kapayapaan, Ipaglaban!

KAPAYAPAAN, IPAGLABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Maraming kay-agang namayapa
Di nakilala ang mga mukha
Pagkat naging biktima ng digma
Habang naiwan ay lumuluha.

Paano kung ang luha’y maubos
At mapalitan ito ng poot
Tiyak digmaa’y di matatapos
Pagkat gantihan itong susulpot.

Ilan sa naiwan ay kakasa
At hahawak na rin ng sandata
Nang maipaghiganti ang ama
Ang ina at ang buong pamilya.

Ngunit kung gantihan ang maganap
Ang kapayapaan na’y kay-ilap
Marami ang lalong maghihirap
Kaya nararapat nang mag-usap.

Gyerang ito’y anong pinagmulan
Digmaan ba yaong kasagutan?
O gawin dapat ay pag-usapan
Yaong sa problema’y kalutasan?

Kaytindi man yaong sakripisyo
Basta’t kapayapaan ay matamo
Sadyang napakahalaga nito
Sa ating buhay at pagkatao.

Nasa’y di simpleng katahimikan
Kundi kamtin ang kapayapaan
Sa ating buhay, puso’t isipan
Kaya atin itong ipaglaban!

- sinimulan sa Bacolod City, tinapos sa barko ng Negros Navigation
papuntang Cagayan de Oro City
Nobyembre 25-26, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Minahal na Kita, Kapayapaan

MINAHAL NA KITA, KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Minahal na kita, kapayapaan
Tulad ng kapatid mong kalayaan
Nawa ikaw ay agad matagpuan
Ng nalulumbay kong puso’t isipan.

Nang makita kita’y tila nanginig
Ang puso kong itong nangangaligkig
O, ikaw ang nais kong makaniig
Pagkat kapayapaan ay pag-ibig.

Kapayapaan, ikaw na’y maglambing
Halika na rito sa aking piling
Pag nadama na kita ng taimtim
Ang pagtulog ko’y tiyak na mahimbing.

Ipagtatanggol kita kahit saan
Buhay ko’y alay hanggang kamatayan
Hiling ko lamang ako’y iyong hagkan
Pagkat mahal kita, kapayapaan.

- Bacolod City
Nobyembre 25, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Kayganda ng Kapayapaan

KAYGANDA NG KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig, soneto

Kayganda ng kapayapaan
Habang kita’y tinititigan
Ngiti mo’y isang kasiyahan
Sa aking puso at isipan.

Ngunit kung dahil na sa digma
Magandang ngiti mo’y mawala
Puso ko’y tiyak na luluha
At isip ko’y di na payapa.

Kapayapaan ay kayganda
Pag ang problema’y naresolba
Ngiti mo’y muling makikita
At mundong ito’y liligaya.

Ngayon, ako ay nalalango
Sa ngiting tumagos sa puso.

- Iloilo City
Nobyembre 24, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Kalapati'y Kailan Dadapo?

KALAPATI’Y KAILAN DADAPO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig, soneto

Kalapati’y kailan dadapo
Sa sanga ng ating diwa’t puso?
Kailan pa kaya maglalaho
Ang digmaang nakakatuliro?

Kung may di pagkakaunawaan
Ay mag-usap muna ng harapan
Ayusin ang problemang anuman
At huwag daanin sa patayan.

Kalapati’y dapat makiniig
Sa pagtatagpo ng bawat panig
At ang huning sa kanya’y marinig
Ay kapayapaan sa daigdig.

Kalapati’y dapat nang dumapo
Sa sanga ng bawat diwa’t puso.

- Iloilo City
Nobyembre 24, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Sa Bawat Digmaan

SA BAWAT DIGMAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Pinupulbos ng digmaang ito
Ang ating buhay at pagkatao
Na parang nagngingitngit na bagyo
At sibilyan ang dinidelubyo.

Ang digmaa’y simbigat ng bundok
Na di lahat ay kayang lumunok
Marami na ang dito’y nalugmok
Tila dumapo’y sanlibong dagok.

Ang bawat digmaan ay kay-alat
Para kang nilulunod sa dagat
Tila ka rin isdang ginagayat
Buhay natin ay puno ng sugat.

Dagat ng dugo ang sinisisid
Nitong digmaang sadyang balakid
Sa ating kapwa magkakapatid.
Digmaa’y paano mapapatid?

Bawat panig ay magtalakayan
At tiyaking magtigil-putukan
Na ang kanilang pag-uusapan
Ay usaping pangkapayapaan.

Pigilan ang anumang pagsiil
Nang mawala ang mga hilahil
Ang digmaan ay dapat matigil
Upang tagas ng dugo’y mapigil.

- Calapan, Oriental Mindoro
Nobyembre 23, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Sa Digmaan, Sibilyan ang Kawawa

SA DIGMAAN, SIBILYAN ANG KAWAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Nagulo na naman ang lupang pangako
At muling pumatak ang kayraming dugo
Marami na namang buhay na naglaho
Bilang ng namatay ay hindi na biro.

Di ba’t may usapang pangkapayapaan?
Sinong nagsimula at may kagagawan
Nitong nagaganap na bagong digmaan
Mga rebelde ba o pamahalaan?

Ang mga sibilyan ang siyang kawawa
Pag nagpatuloy pa itong mga digma
Nagulo ang buhay nitong matatanda
Pati pag-aaral nitong mga bata.

Kayrami na ngayon ng naghihikahos
At kanilang buhay ay kalunos-lunos.
Ang digmaang ito’y kaylan matatapos
Upang buhay nila’y kanilang maayos?

- sinimulan sa Batangas pier at tinapos sa barko patungong Calapan, Oriental Mindoro,
Nobyembre 22, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Bakit Magdidigmaan Tayo, Kapatid?

BAKIT MAGDIDIGMAAN TAYO, KAPATID?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig, soneto

Bakit ba tayo magdidigmaan, kapatid?
Kung buhay naman natin itong mapapatid
Pag-usapan natin ang problema’t balakid
Upang kapayapaan itong maihatid.

Bakit magdidigmaan kung mareresolba
Sa pag-uusap anumang ating problema
Sa kulay ma’t relihiyon ay magkaiba
Magkakapatid tayong di dapat magdusa.

Di ba’t kaysakit kung kapatid ay mapatay
Kaya buong panahon tayong malulumbay
Ang digmaan ba ang sukatan ng tagumpay
O sa digmaan pala’y pawang paglalamay.

Kapatid ko, halina’t pag-usapan natin
Anumang mga susulpot na suliranin.

- Maharlika Village, Taguig, Metro Manila
Nobyembre 22, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Di Normal ang Digmaan

DI NORMAL ANG DIGMAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig

Wala silang pakialam magkadigmaan man
Ang mga rebelde at itong pamahalaan
Dahil ito’y normal naman daw na kalagayan
Kahit ang nagbabalita’y pinagsasawaan.

Di normal ang digmaang laging nauulinig
Mortar, baril at bomba sa magkabilang panig
Kung sa gabi't araw ito'y laging naririnig
Apektado ang mga sibilyang nanginginig.

Nanginginig pagkat baka tamaan ng bomba
Ang kanilang bahay, kabuhayan at pamilya
Kaya bago mamatay ay nagsisilikas na
Pagkat naiipit na ng magkalabang pwersa.

Hindi normal ang digmaan pagkat nagugulo
Ang buhay ng sibilyan, ng karaniwang tao
Edukasyon at kabuhayan ay apektado
Napupunta sa bala ang pondo ng gobyerno.

Gyera’y normal ba dahil laging napapakinggan
Sa araw at gabi ang bombahan at ratratan?
Hindi maaaring maging normal ang digmaan
Dahil ang nakataya’y buhay ng mamamayan.

- Quezon Memorial Circle
Nobyembre 22, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Bigas, Hindi Bala

BIGAS, HINDI BALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig

Bigas, hindi bala
Pagkain, di gyera
Mundong mapayapa
Hindi pandirigma.

Trabaho at lupa
Di dusa at luha
Kalinga’t unawa
Di banta ng digma.

- Malolos, Bulacan
Nobyembre 21, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Hindi Dugo ang Dapat Bumaha

HINDI DUGO ANG DAPAT BUMAHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig, soneto

Hindi dugo ang dapat bumaha
Kundi itong ating pagkalinga
Hindi punglo sa parang ng digma
Kundi kapayapaan sa madla.

Hindi digmaan at pagbabanta
Kundi payapang puso at diwa
Hindi pagdaloy ng mga luha
Kundi pag-agos ng pang-unawa.

Hindi bala ang dapat tumagos
Sa katawan ng mga hikahos
Hindi dugo ang dapat umagos
Kundi pag-ibig sa pusong kapos.

Di ba’t mundo’y kay-ganda’t kay-ayos
Kung kapayapaa’y malulubos.

- Calumpit, Bulacan
Nobyembre 21, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Kapayapaan sa Bakwit

KAPAYAPAAN SA BAKWIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang kapayapaan sa bakwit
Ay kailan kaya sasapit?
Ang buhay nila’y nasa bingit
Dahil sa digmaang kaylupit.
O, aming mahabaging langit
Hiling naming nawa’y sumapit
Ang kapayapaan sa bakwit.

- San Fernando, Pampanga
Nobyembre 21, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Halika Rito, Kapayapaan


HALIKA RITO, KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig, soneto

Nais namin ng kapayapaan
Doon sa lupang ka-Mindanawan
Pagkat iyon ang makatarungan
Sa lahat doong naninirahan.

Hustisya’y nais ng mamamayan
At pagkain sa hapag-kainan
Kapayapaan, hindi digmaan,
Ang sagot at hindi karahasan.

O, nasaan ka, kapayapaan?
Tila kay-ilap mo’t di abutan
O ikaw ba’y naririyan lamang?
At abot-kamay ng mamamayan.

Halika rito, kapayapaan
At yakapin mo ang sambayanan.

- Baguio City, Nobyembre 20, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)