KAPAYAPAAN, IPAGLABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig
Maraming kay-agang namayapa
Di nakilala ang mga mukha
Pagkat naging biktima ng digma
Habang naiwan ay lumuluha.
Paano kung ang luha’y maubos
At mapalitan ito ng poot
Tiyak digmaa’y di matatapos
Pagkat gantihan itong susulpot.
Ilan sa naiwan ay kakasa
At hahawak na rin ng sandata
Nang maipaghiganti ang ama
Ang ina at ang buong pamilya.
Ngunit kung gantihan ang maganap
Ang kapayapaan na’y kay-ilap
Marami ang lalong maghihirap
Kaya nararapat nang mag-usap.
Gyerang ito’y anong pinagmulan
Digmaan ba yaong kasagutan?
O gawin dapat ay pag-usapan
Yaong sa problema’y kalutasan?
Kaytindi man yaong sakripisyo
Basta’t kapayapaan ay matamo
Sadyang napakahalaga nito
Sa ating buhay at pagkatao.
Nasa’y di simpleng katahimikan
Kundi kamtin ang kapayapaan
Sa ating buhay, puso’t isipan
Kaya atin itong ipaglaban!
- sinimulan sa Bacolod City, tinapos sa barko ng Negros Navigation
papuntang Cagayan de Oro City
Nobyembre 25-26, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento