Biyernes, Agosto 13, 2021

Hindi biro ang nagbabagong klima

HINDI BIRO ANG NAGBABAGONG KLIMA

tatawa-tawa ka pa, di nagbibiro ang klima
aba'y di mo pa ba naranasan ang masalanta?
tingnan mo lang ang aral kina Ondoy at Yolanda
saka sabihing joke lang ang nangyari sa kanila

tila nagbabagong klima'y paglukob ng halimaw
na sa ating mga likod nagtarak ng balaraw
di mawari ang nasalanta, masa'y humihiyaw:
"Climate emergency is not a joke! Climate Justice Now!

palitan na ang bulok na sistemang mapaniil
tigilan na ang pagsunog ng mga fossil fuel
na pinagtutubuan ng kapitalismong taksil
unahin ang mga coal plants na dapat mapatigil

habang patuloy lang ang korporasyong malalaki
sa pagpondo sa ganyang planta'y di mapapakali
tingnan ang pamahalaan, kanino nagsisilbi
sa korporasyon o sa masang nasa tabi-tabi

kayraming nasalanta, namatay at nagtitiis
nasisirang kalikasan ba'y ito ang senyales?
dapat tayong mag-usap, ano ba ang Climate Justice?
ano nang kaisahan sa kasunduan sa Paris?

huwag magtawa pagkat buhay ang nakasalalay
noong mag-Yolanda sa Leyte'y nagkalat ang bangkay
"Climate emergency is not a joke!" tayo'y magnilay
klima'y di nagbibiro sa mensahe niyang taglay

- gregoriovbituinjr.
08.13.2021

* ang ibig sabihin ng PMCJ na signatory sa plakard ay Philippine Movement for Climate Justice
* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Ang pasalubong ni misis

ANG PASALUBONG NI MISIS

tangan ko'y green bell pepper o luntiang siling lara
sa tulad kong vegetarian si misis nagpadala
kaykinis ng balat, mamaya'y gagayatin ko na
ng maliliit upang sa kawali'y igigisa

ginisang green bell pepper sa gutom ay pansagip din
tulad ng pinritong siling dynamite kung tawagin
na sa mga inuman paboritong pulutanin
subalit ang ginisa ko'y pang-ulam na sa amin

di tulad ng siling labuyo o siling pasiti
ang paggisa nitong siling kara'y nakawiwili
nakabubusog at kinain ko'y marami-rami 
na habang sumusubo'y patuloy sa pagmumuni

kaya may bagong tulang maibabahagi naman
na siyang laman niring puso't iwing kalooban
sa isang bagay ay maraming paksang naririyan
na dapat mo lang palamnan ng tanang kaisipan

- gregoriovbituinjr.
08.13.2021

Umaliwalas din ang panahon

UMALIWALAS DIN ANG PANAHON

ilang araw umulan, di na makapaglimayon
nasa lungga lang at lumilikha ng mithi't layon
ngunit ngayon ay umaliwalas din ang panahon
sana madama na'y ganito sa buong maghapon

kakatha na lang ng kung anu-ano ang makata
lalo na't di naman mahusay sa pagsasalita
animo'y tahimik na langay-langayan ang dila
na biglang lalayo na lamang dahil nahihiya

nais kong magpala ng semento't gawin ang hagdan
ngunit umaalma ang mga bulate sa tiyan
di malaman ang gagawin, nagugulumihanan
ah, mabuting magluto muna ng kanin sa kalan

panahong maaliwalas ang salubong sa masa
habang ngayong lockdown, kayraming gutom na pamilya
anong ibinabadya ng panahong anong ganda
na pagkatapos ng unos ay may bagong umaga

- gregoriovbituinjr.
08.13.2021

Indayog sa umagang kaylamig

INDAYOG SA UMAGANG KAYLAMIG

tinatakasan ko ang daigdig
upang sa musa'y makipagniig
kukulungin ko siya sa bisig
at kukwintasan ng mga titig

upang angkin kong iwing pag-ibig
ang sa kanyang puso'y makalupig
habang namumutawi sa bibig
ang tulang nais kong iparinig

sa kabilang banda'y naulinig
ang kung anu-anong pang-uusig
kapitalista'y hamig ng hamig
manggagawa'y wala nang makabig

sa isyung ito'y ano ang tindig
sa gawaan ng mga pinipig
bakit daw nilalako'y malamig
buti't mainit-init ang tupig

basta huwag lamang makabikig
sa lalamunan at abang tinig
ang tulang may anong pahiwatig
mga isyung pawang naulinig

makata'y nagpapakasigasig
sa umagang ano ba't kaylamig
kahit na siya'y nangangaligkig
inom lang ng bitamina't tubig

- gregoriovbituinjr.
08.13,2021

* INDAYOG - sinukat na daloy ng mga salita at parirala sa berso o prosa, mula sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, pahina 497

Itigil na ang girian

ITIGIL NA ANG GIRIAN

ngayong Agosto'y may kasaysayang batid ng masa
anibersaryo ng pagbagsak ng bomba atomika
sa bansang Japan, sa Nagazaki at Hiroshima
at lumipol ng libo-libong mamamayan nila
habang patuloy sa dusa ang mga hibakusha

pitumpu't anim na taon na ang nakalilipas
ay nagbubuo pa rin ang mga bansang may angas
ng samutsaring mga nakamamatay na armas
na panakot sa bansang sa kanila'y di parehas
banta sa bansang tila di marunong maging patas

bomba atomika noon, armas nukleyar ngayon
kailan ba matitigil ang ganoong imbensyon
bakit patuloy ang paligsahan ng mga nasyon
susumbatan lang sila ng kasaysayan kahapon
kung depensa nila'y pandepensa lang nila iyon

ano bang konsepto nila ng lahi't kalayaan
bakit patuloy ang sistema ng mga gahaman
ah, itigil na ang mga girian at labanan
pagpapakatao ang dapat nating pagsikapan
at maitayo ang isang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
08.13.2021

* ang aklat sa larawan ay nabili ng makata sa Book Sale, Farmers branch, 12.28.2020
* ayon sa kasaysayan, bumagsak ang bomba atomika sa Hiroshima noong Agosto 6, 1945, at sa Nagasaki tatlong araw makalipas.
* tinatayang nasa 135,00 ang total casualty sa Hiroshima, at 64,000 sa Nagasaki, ayon sa https://www.atomicarchive.com/resources/documents/med/med_chp10.html

Ang plakard nilang tangan

ANG PLAKARD NILANG TANGAN

anuman ang disenyo / ng plakard nilang tangan
mahalaga'y mensahe / nila sa taumbayan
kahit illustration board / yaong pinagsulatan
o printed sa kompyuter / ang mga panawagan

hindi man magsalita'y / iyo nang mababasa
ang nasa saloobin / ng karaniwang masa
panawagan man nila'y / makamit ang hustisya
o kaya'y irespeto / ang karapatan nila

iisang panawagan / magkaibang disenyo
anong kaya ng bulsa / ambag-ambag ang tao
gagawin lahat upang / ipaabot ang isyu
nagbabakasakaling / tumugon ang gobyerno

ang plakard na'y kakampi / ng mga mamamayan
sa maraming usapin / at ipinaglalaban
batay sa kakayahan / o pangangailangan
ang dinisenyong plakard / kahit ito'y simple lang

kung wala kang kompyuter / mag-illustration board ka
tsok lamang ang panulat / kaya may plakard ka na
lagyan ng plastik upang / sa ulan ay umubra
kung mensahe'y palitan / agad mong mabubura

upang magamit muli / sa susunod na rali
upang sulatang muli / ng bagong mensahe
upang mabatid naman / ng gobyernong di bingi
ang isyu't karaingang / tama lang na masabi

- gregoriovbituinjr.
08.13.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos ng maralita sa harap ng DHSUD, Hulyo 21, 2021