Sabado, Hunyo 27, 2020

May pilay na ang isang sisiw

paika-ika na ang sisiw na kusang umuwi
tumambay na lang sa kulungan, tila nangingiwi
marahil dahil sa pilay na nadarama'y hapdi
sana'y di malala ang kanyang paa't walang bali

naglilimayon na sila sa labas ng kulungan
gayong mga sisiw silang wala pang isang buwan
sa unang araw ng Hulyo'y kanilang kaarawan
sana'y magsilaki silang malusog ang katawan

gumagala sa umaga, sa gabi'y kinukulong
ang labing-isang sisiw na tumutuka ng tutong
kasama ang inahing sa kanila'y kumakanlong
pagkahig at pagtuka nga sisiw na'y marurunong

sa napilayan sana'y walang mangyaring masama
kumain ng kumain nang gumaling at sumigla
sa pilay na sisiw, inahin ang mag-aalaga
at sana ang kanyang pilay ay tuluyang mawala

pagmasdan mo ang ibang sisiw at nakakaaliw
subalit kaylungkot pagmasdan ng pilay na sisiw
tila ako'y kanyang amang sa anak gumigiliw
pagkat alaga siyang sa puso'y di nagmamaliw

- gregbituinjr.
06.27.2020

Pagtitiim-bagang

sa tuwina'y nakatunganga lang sa kalangitan
nakatitig di na sa langit kundi sa kawalan
kung anu-ano na ang naglalaro sa isipan
lalo't tatlong buwan nang nakapiit sa tahanan

mabuti't may ilang anunsyong mag-ambag ng tula
hinggil ssa lockdown ay magkwento't magbigay ng katha
sa iba nama'y nag-ambag ng sanaysay kong likha
ipinasa bago ang huling petsang itinakda

kahit di naman karpintero, ako'y nagpanday din
at nakagawa ng kulungan para sa inahin
at sa kanyang labing-isang sisiw na alagain
nakapagpanday man ay marami pang dapat gawin

tatlong buwang nakakulong, buti't di nabubuwang
tila sa pag-alis ng lockdown laging nakaabang
laksang naburda sa isipan ay maraming patlang
sa panahong itong laging napapatiim-bagang

- gregbituinjr.