Martes, Mayo 5, 2020

Itinatanim ko'y binhi

itinatanim ko'y binhi upang maging halaman
sa bawat araw ay palalaguin, didiligan
tulad ng gulay nang may mapitas pag kailangan
at nang may makain din ang pamilya't mamamayan

itinatanim ko'y binhi upang masa'y mamulat
na pakikipagkapwa'y pag-uugaling marapat
na kung tayo'y magpapakatao, ito na'y sapat
upang lipunang makatao'y asamin ng lahat

halina't magtanim, magandang binhi ang ihasik
binhing walang pagsasamantala ng tuso't switik
binhi upang baguhin ang sistema't maghimagsik
laban sa puno, sanga't bunga ng burgesyang lintik

itanim natin ang binhi't diwang mapagpalaya
sa kalsada't piket man, kasama'y obrero't dukha
palaguin ang pagkakaisa ng manggagawa
at lipulin din ang damo ng burgesyang kuhila

- gregbituinjr.

Pluma ko'y bakliin mo man

nais kong maramdaman nilang kahit sa sulatin
na di ako nag-lie low, pagkilos ko'y tuloy pa rin
nasa kwarantina man, ginagawa ang tungkulin
komentaryo't tuligsang tula ang palipas hangin

patuloy na nakikiramdam at di humihimbing
sa problema't isyu ng masa'y nanatiling gising
diwa ng dalita'y katha, wala sa toreng garing
sa manggagawa't maralita laging nakakiling

di natutulog kahit sa karimlan itong pluma
upang magpaliwanag, tumuligsa o pumuna
lumalaban sa pang-aapi't pagsasamantala
sa akda nilalarawan ang sakripisyo't dusa

pluma ko'y bakliin mo man, patuloy sa pagsulat
pintig ng puso't daloy ng diwa'y di maaawat
magpapatuloy pa rin sa gawaing pagmumulat
wala man sa kalsada'y tangan pa rin ang panulat

- gregbituinjr.

Sa ika-202 kaarawan ni Karl Marx

SA IKA-202 KAARAWAN NI KARL MARX
(Mayo 5, 1818 - Marso 14, 1883)

mabuhay ka, Karl Marx, at ang iyong mga sinulat
na sa uring manggagawa'y sadyang nakapagmulat
di pagkapantay sa lipunan ay iyong inugat
at teorya mo't pagsusuri sa mundo'y kumalat

kasama si Engels ay nagsulat ng manipesto
at inyong sinuri ang sistemang kapitalismo
tinalakay bakit dapat mamuno ang obrero
upang panlipunang hustisya'y makamit ng husto

ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
sinuma sa isang pangungusap: dapat mapawi!
pagsasamantala'y tiyaking di na manatili
at buong uring manggagawa ang dapat magwagi

salamat, Karl Marx, sa obrang Das Kapital, mabuhay!
sa iba mo pang akdang inaaral naming tunay
sa iyong ambag upang lipunan ay maging pantay
sa kaarawan mo, taas-kamaong pagpupugay

- gregbituinjr.
05.05.2020