Miyerkules, Enero 4, 2023

Ngunit, Subalit

NGUNIT, SUBALIT

noon pa'y di ginamit ang salitang "pero"
sapagkat may katumbas naman nito rito
kaya sa aking mga katha'y wala nito
kundi taal na katumbas hangga't kaya ko

dahil ang "pero" ay mula wikang Kastila
datapwat may "ngunit", "subalit" na salita
sa atin, na siya kong gamit sa pagkatha
di ba? walang "pero" ngunit nakakatula!

imbes "lamesa", gamit ko'y hapag-kainan
di lang mula Tagalog kung kakayanin lang
kundi salitang Ilokano, Pangasinan,
Igorot, Ilonggo, Karay-a, Bisaya man

mula Antique ang aking inang Karay-a 
at Batanggenyo ang aking butihing ama
tiya'y Dagupan, asawa ko'y Igorota
ako'y laking Sampaloc, Maynila talaga

kaya maraming inaaral na salita
na nais kong magamit sa bawat pagkatha
bilang pagpapayabong sa sariling wika
bilang makata, madalas mang walang-wala

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023

Aklat

AKLAT

halina't tunghayan ang natitipong akda
hinggil sa samutsaring usapin o paksa
at bakasakaling makatulong sa madla
kapag naibahagi ang buod o diwa
ng nabasang palumpon ng mga salita

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023

Puno sa lungsod

PUNO SA LUNGSOD

anong sarap ng simoy ng hangin sa lungsod
sapagkat may mga puno, nakalulugod
tila baga hinahaplos ang aking likod
ng palad ng mutya, nakakawalang pagod

kung pupunuin ng puno ang kalunsuran
ay bubuti ang lagay ng kapaligiran
animo'y walang polusyong mararamdaman
dama'y ginhawa sa gitna ng kainitan

O, pagmasdan ang maaliwalas na langit
dahil mapuno, katamtaman lang ang init
walang mga duming sa kutis dumidikit
dahil sa puno, katawa'y di nanlalagkit

isang araw iyong dama mo'y inspirasyon
kaya magtanim ng puno'y isa nang misyon
di man masilayang tumubo ito ngayon
ito'y para sa susunod na henerasyon

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Luneta noong Araw ni Rizal, 12.30.2022

Sungkô

SUNGKÔ

minsan, kaibigan, ikaw ay aking susungkuin
at nang makalabas ng bahay upang magpahangin
magkumustahan at pagkwentuhan ang buhay natin
magkape man o sa harap ng tagay o inumin

balita ko, ikaw daw ay magiging isang sungkô
talaga bang sapilitan kang kukunin ng hukbô
upang magsanay, upang mananakop ay masugpô
upang di agad sumukò, kundi dugô'y ibubô

sa Ingles ay draft, sa basketbol din ay magagamit
lalo sa sanaysay, kwento, gansal, tanaga, dalit
upang payabungin ang wikang sa bayan umugit
upang maging karaniwan pag dila ang bumitbit

tulad ng sungkô na isa palang lumang salita
na kung gamitin sa pagkatha'y magiging sariwa

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023

sungkô - [Bikol, Sinaunang Tagalog] 1: pagdalaw sa isang tao upang anyayahang lumabas ng bahay; 2: [Militar] sapilitang pagkuha upang maglingkod sa hukbo, sa Ingles ay DRAFT, 
- mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1186

Pagdama

PAGDAMA

"Fill your paper with the breathings of your heart.” –William Wordsworth

paminsan-paminsan di man madalas
ay naiiba ang nilalandas
malayo, animo'y walang bukas
na naninilay ay di mabigkas

minsan, sa langit nakatingala
walang maisip, natutulala
habang pinagmamasdan ng dukha
ang buhay na sadyang walang-wala

gayunman, sa kanya'y ipinayo
damhin kung ano ang nasa puso
baka naroroon ang pagsuyo
at pagsinta, di lamang siphayo

kaya ang pluma't kwaderno'y kunin
at isulat ang alalahanin
pagbabakasakali'y isipin
baka may tugon sa suliranin

laman ng akda'y buntonghininga
at sa puso'y nawala ang bara
nakakatulong palang talaga
upang madamang may pag-asa pa

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023