Linggo, Disyembre 17, 2023

Sinong dakila o bayani?

SINONG DAKILA O BAYANI?

sino nga ba ang tinuturing na bayani?
yaong dakilang taong sa bayan nagsilbi?
lagay ng bayan ba'y kanilang napabuti?
tulad nina Rizal, Bonifacio't Mabini?

O.F.W. ay bayaning di kilala
na nagsasakripisyo para sa pamilya
sa ibang bansa sa kakarampot na kita
mapakain, mapag-aral ang anak nila

bayaning manggagawa, bayani ng bayan
buhay nila'y inspirasyon sa mamamayan
na ipaglaban ang hustisyang panlipunan
nang lumaya ang bayan sa tuso't gahaman

di lang dayuhan ang kalaban nitong bansa
kundi mismong kababayan ngunit kuhila
tulad ng pulitikong nagsisilbi kunwa
ngunit sa kabang bayan ay nananagasa

mahirap man ang magpakabayani ngayon
tinuring raw na bayani'y patay na noon
gayunpaman, kunin ang aral ng kahapon
mabuting gawa nila'y gawing inspirasyon

- gregoriovbituinjr.
12.17.2023

Kawikaan sa kwaderno

KAWIKAAN SA KWADERNO

"The least I can do is speak out for those who cannot speak for themselves." 
~ kawikaan sa pabalat ng isang kwaderno

nabili ko sa Benguet ang kwadernong iyon
dahil anong ganda ng kawikaan doon
marahil tibak din ang nagsalita niyon
na may tapang kapara ng oso o leyon

ang tangi kong magagawa'y ang magsalita
para sa tinanggalan ng tinig, dalita,
maliliit, vendor, babae, manggagawa,
magsasaka, pinagsamantalahang sadya

kawikaang sinasabuhay na totoo
kaya kwadernong yao'y iniingatan ko
makabuluhang patnubay sa pagkatao, 
pangarap, hustisya, karapatan, prinsipyo

kung may gayong kwaderno pa'y aking bibilhin
upang ipangregalo sa kapwa ko man din
nang maging gabay din nila ang diwang angkin
upang api't sadlak sa putik ay hanguin

- gregoriovbituinjr.
12.17.2023

Paggising sa umaga

PAGGISING SA UMAGA

isusulat ko pa rin ang bulong ng puso
kahit na ang sinta'y naroon sa malayo
o naririto sa tabi't aking kasuyo
lalo na't pag-ibig nama'y di naglalaho

kapara ng tula paggising sa umaga
bago mag-almusal o nag-uminat muna
tula ang kinakape't pinapandesal pa
kakathai'y nasa panaginip kanina

iyon ay kung matatandaan ang naisip
na pagkamulat pa lang ay agad nahagip
may talinghaga kaya roong nasisilip
at agad tinala sa notbuk ang nalirip

nagtungo ang diwata sa dalampasigan
nakapanguha ng masarap na halaan
wala bang tambakol, tulingan o gulyasan
na masarap ihanda sa pananghalian

- gregoriovbituinjr.
12.17.2023