Huwebes, Mayo 22, 2025

Natanggal na ang NGT

NATANGGAL NA ANG NGT

kaylaking ginhawa ang matanggal
ang tubong nakakabit sa ilong
pagkat siya na'y nakalulunok
ng pagkaing sa kanya'y ibigay

sa NGT na pinadadaan
ang pagkain patungo sa tiyan
na pawang likido o malabnaw
na one thousand eight hundred calorie

higit sambuwan din kinabitan
ng NGT o nasogastric tube
si misis nang siya'y mapakain
ng may sapat na calorie intake

tila ako ang nahihirapan
noong naka-NGT pa siya
talagang hirap niyang titigan
para bang ako ang nasasaktan

buti't tinanggal na ang NGT
pagkat lagay niya'y bumubuti
kaysarap naman sa pakiramdam
na sinta ko'y di na mahirapan

- gregoriovbituinjr.
05.22.2025

Ang panaginip ni misis

ANG PANAGINIP NI MISIS

si misis ay nanaginip minsan
na ikinwento niya sa akin
siya raw ay akin nang iniwan
sabi ko'y huwag iyong isipin

sapagkat walang katotohanan
wala man ako sa toreng garing
ako'y makatang may katapatan
lalagi ako sa kanyang piling

at iyon ay hanggang kamatayan
hindi pa dahil sa sasabihin
sa akin ng mga kasamahan,
kamag-anak, o kumpare man din

na ako'y walang paninindigan
isang salawahan at balimbing
at sabi ko,"ako'y tapat naman
pagkat ikaw ay tangi sa akin"

"ikaw ay aking aalagaan
hanggang sa tuluyan kang gumaling
kayrami nating pinagdaanan
wala tayong iwanan, O, darling!"

- gregoriovbituinjr.
05.22.2025

* litratong kuha ng makatang gala bago pa magkasakit si misis

Bata, namatay sa tuli

BATA, NAMATAY SA TULI

kaytindi ng balitang nabasa:
"Edad sampu, nagpatuli, patay"
ano? bakit? anong nangyari ba?
sa lying-in agad daw nangisay
matapos na matuli ng doktor
na nagturok pa ng anestisya
subalit matapos ang procedure
ang nasabing bata'y nangisay na
siya'y nadala pa sa ospital
at doon binawian ng buhay
kung ako'y ama, matitigagal
tinuli lang, anak na'y namatay
aksidente ba? ito ba'y sadya?
kay-aga namang bata'y nawala

habang sa katabi nitong ulat
magkapatid sa sunog namatay
sa dibdib ito'y sadyang kaybigat
magulang tiyak tigib ng lumbay

- gregoriovbituinjr.
05.22.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, Mayo 21, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2