Lunes, Mayo 31, 2021

Okra na naman

OKRA NA NAMAN

sa sikmura ko, ang karne'y di na kayang tanggapin
nakita na akong suka ng suka pagkakain
noon, akala ko, dahil lang sa mamantikain
ang ulam at nagsusuka pag dumami ang kain

ako nga'y tinanong nang mapansin ito ni misis
at nagbiro pa siyang baka ako raw ang buntis
hanggang pinagtapat sa kanya ang di na matiis
kaya raw pala maraming pagkaing napapanis

payo noon ni ina sa teks kong isinagawa
aba'y tigilan ang pagkain ng mamantika
habang si Ate'y nag-teks din at nagpayo ring kusa
na sa kalusugan nga'y huwag nang magpapabaya

subalit natagpuan ko rin ang tanging solusyon
pagkat di isinusuka pag ito ang nilamon
okra, petsay, sitaw, siling lara, ginisang kangkong, 
kamatis, bawang, sibuyas, mustasa, pritong talong

kaya nagpasyang mag-vegetarian at budgetarian
ngayong hapunan, huwag magtaka, okra na naman
na siyang paboritong gulay noong kabataan
kaya tara, sa hapunang ito, ako'y saluhan

- gregoriovbituinjr.
05.31.2021 (World No Tobacco Day)

Ang regalong inuman ni misis

ANG REGALONG INUMAN NI MISIS

binigyan ako ni misis ng lagayan ng tubig
upang kung mauhaw, may mainom, di man malamig
nang sa pagkauhaw ko raw ay di agad manginig
sadyang tunay na kanyang ginawa'y kaibig-ibig

minsan kasi'y nasa initan akong nagbabadya
ang alinsangan, tirik na araw nga'y bubulaga
banas ng panahon sa katawan ko'y humihiwa
mabuting may tubig nang sa init ay nakahanda

animo'y inahing mapag-alaga sa inakay
animo'y diwatang ginagawa'y laging may saysay
isang asawang aking katuwang sa tuwa't lumbay
na bisig niya sa dibdib ko'y kaysarap dumantay

sa regalo mo'y maraming salamat, aking giliw
sa ating pagsasama'y tapat at walang bibitiw

- gregoriovbituinjr.
05.31.2021 (World No Tobacco Day)

Magsulat ng magsulat

patuloy na magsulat ng magsulat ng magsulat
anumang yaong paksa'y isulat at isiwalat
prinsipyong tangan ay isulat upang may mamulat
na sa bawat lathala'y naroon ang pag-iingat

magsulat ng sanaysay, ng nobela, kwento't tula
at patuloy na magsikhay sa pagiging makata
sina Batute't Balagtas ay mga halimbawa
ng makata sa kasaysayan na dinarakila

magsulat upang pangalagaan ang kalikasan
at para sa pangarap na makataong lipunan
magsulat upang makapaglingkod sa sambayanan
at upang panlipunang hustisya'y kamtin ng bayan

nagkalat ang upos at plastik, ano nang gagawin?
upang kalikasan ay mapangalagaan natin
kayraming inosente ang pinaslang ng salarin
atas nga ba ng bu-ang ang isinagawang krimen?

magsulat ng magsulat, magpatuloy sa pagkatha
sa araw at gabi'y ginagawa't inaadhika
na kabulukan din ng sistema ang tinutudla 
prinsipyadong magsusulat para sa aba't madla

- gregoriovbituinjr.05.31.2021 
(World No Tobacco Day)

Nang mawala ang awitan ng mga kuliglig

NANG MAWALA ANG AWITAN NG MGA KULIGLIG

himbing man, dinig ang awitan ng mga kuliglig
tila kaysasaya't walang nadaramang panganib
subalit bigla, dumatal ang unos, nangaligkig
kaylakas ng sipol ng hangin sa gabing malamig

umaga'y iba ang narinig, pagputol ng kahoy
habang pakiramdam ko, mga puno'y nananaghoy
habang katutubo'y patuloy na itinataboy
ng mga tuta ng kapitalistang mapangdenggoy

hinahanap ko'y pag-aawitan ng mga ibon
sabay sa pagkawala ng puno'y nawala iyon
naging maalinsangan na ang bawat kong pagbangon
naging mabanas na ang dating masayang kahapon

ah, paano ba maililigtas ang kagubatan
mula sa tubo't kasakiman ng mga gahaman
upang dibdib ng kagubatan ay pagkakitaan
habang nasisira naman ang gubat na tahanan

sa ngayon, sa tula ko sila maipagtatanggol
gayong di ito solusyon sa kanilang hagulgol
dahil ang pagtatanggol sa kanila'y may ginugugol
panahon, buhay, pawis, dugo, sa kanilang ungol

kaya paumanhin kung ito lang ang magagawa
ngunit pagbubutihin ko ang bawat kong pagkatha
para sa puno, ibon, dagat, kuliglig ang tula
upang maisiwalat ang bawat nilang pagluha

- gregoriovbituinjr.
05.31.2021 (World No Tobacco Day)

Dagat na'y nalulunod sa upos

DAGAT NA'Y NALULUNOD SA UPOS

dagat na'y nalulunod sa upos
sa basurang ito'y lubos-lubos
paano ba ito mauubos
ika nga, labis ay kinakalos

hanggang maisipang mag-yosibrick
na estilo'y para ring ecobrick
di na lang plastik ang isisiksik
kundi upos din sa boteng plastik

baka sa upos, may magawa pa
lalo't binubuo rin ng hibla
barong ay mula hibla ng pinya
lubid ay sa hibla ng abaka

pagyoyosibrik ay simula lang
ng pagtatanggol sa kalikasan
pati sa ating kapaligiran
at sa daigdig nating tahanan

masasamahan ba ninyo ako
sa marangal na gawaing ito
salamat sa pagsuporta ninyo
sa dakilang adhikaing ito

- gregoriovbituinjr.
05.31.2021 (World No Tobacco Day)

Tula ngayong World No Tobacco Day

TULA NGAYONG WORLD NO TOBACCO DAY

ngayong World No Tobacco Day, patuloy ang adhika
ng paggawa ng yosibrick na layon ay dakila
tumulong upang sa upos ay mayroong magawa
upang di ito basurang kakainin ng isda

aba'y tadtad ng upos ang ating kapaligiran
isa sa nangungunang basura sa karagatan
kaya gawaing pagyoyosibrik ay naisipan
upang may maitulong din kay Inang Kalikasan

tulad ng ecobrick na plastik ang isinisiksik
upos naman ng yosi'y ipasok sa boteng plastik
isang layuning ginawang walang patumpik-tumpik
baka masagip pa ang kalikasang humihibik

- gregoriovbituinjr.
05.31.2021