Biyernes, Pebrero 13, 2009

Kay Libay

KAY LIBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod
(sagot sa tula ni Libay sa email)


Maraming salamat
Sa tulang kayrilag
Isipa'y namulat
Puso'y namulaklak.

O, ikaw ay laging
Nasasa gunita
Nawa'y di ka isang
Panaginip lamang.

Nang ikaw ay aking
Unang makilala
May kung ano akong
Agad na nadama.

Si Eros ay agad
Na tinudla ako
Sa kanyang palaso'y
Di na nakalayo.

Pana ni Kupido'y
Tumama sa puso
Buti't di nagdugo
Nang ito'y tumimo.

Kaya nga ba ngayon
Hindi ka mawaglit
Tila ka diyosa
Sa'king panaginip.

Maganda mong mukha't
Ngiti mong kaytamis
Akin nang inukit
Sa puso ko't isip.

Di ka rin iiwan
Hanggang kamatayan
Panata sa pusong
Ayaw nang malumbay.

- Agosto 21, 2007
(Nalathala sa librong "Aklat at Rosas", Pebrero 2008)

Ang Makauunawa

ANG MAKAUUNAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba sasambahin
Ang tulad mong dyosa
Paano nga ba iibigin
Ang tulad mong mutya
O, kayraming salita
Ang di mabigkas-bigkas
Na tanging puso lamang
Ang siyang makauunawa.

Pag Di Ka Nakita

PAG DI KA NAKITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

Ako'y nalulumbay
Pag di ka nakita
Laging nananamlay
Natutulala na
Tila ako patay
Nasaan ka, sinta
Ako'y mabubuhay
Pag nasilayan ka

Pangarap Kita

PANGARAP KITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

Ako'y di lang mandirigma
Isa rin akong makata
Bakit ako mangangamba
Na sabihing mahal kita
Ikaw ang tangi kong musa
Pangarap ko'y ikaw, sinta.

Makatang Mandirigma

MAKATANG MANDIRIGMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Mandirigma akong handa sa labanan
Di umuurong sa anumang larangan
Sa rebolusyon maging sa pag-ibig man
Hanggang sa dulo kita'y ipaglalaban
Pagkat dyosa ka ng puso ko't isipan.

One-Woman Man

ONE-WOMAN MAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Sa puso ko'y isa lang ang paraluman
Na aking mamahali't aalagaan
Pag nalasap ko'y matinding kabiguan
Mabuti pang pasagpang kay Kamatayan.

Pagmumuni-muni

PAGMUMUNI-MUNI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Ang kagandahan mong tulad sa bunying diwata
Sa pag-ibig ay tila maraming pinaluha.
Ganito rin ba ang kasasapitan ng makata
Na ang pagsinta niya'y maging kaaba-aba?

Ikaw Lamang

IKAW LAMANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Mula sa aking puso't isipan
Sumisilay ang katotohanan
O, ikaw, tangi kong paraluman
Mahal kita, maging sino ka man

Nasa diwa ang iyong larawan
Pangako ko sa kasama't bayan
Sa rebolusyon o pag-ibig man
Ilalaban kita ng patayan!

O, Aking Sinta

O, AKING SINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

Puso ko ay matiwasay
Pagkat minahal mong tunay
Ikaw ay walang kapantay
Pag-ibig nati'y makulay.

Pagmamahal ko'y dalisay
Lagi pang buhay na buhay
Pag ganda mo'y sumisilay
Ako nga'y patay na patay.

Pag ikaw sa'ki'y nawalay
Tiyak ako'y mananamlay
Dahil wala na ang gabay
Sa nag-iisa kong buhay.

Hibik sa Mutya

HIBIK SA MUTYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

O, diwata, mutya ng aking puso, aking paraluman
Sa diwa ko'y di makatkat ang maganda mong larawan
Tila nakaukit na, ipinagkit na ng tuluyan
Ikaw na aking mahal, na sa puso'y di mapaparam.

Kaya't narito akong muli, sa iyo'y sumasamo
Na iyong dinggin ang tibik niring puso
Patunay ko ang mga likhang tulang narito
Na sadyang aking alay para sa iyo, O, irog ko.

Nawa'y namnamin mo naman ang bawat kataga
Mga tilamsik ng diwa'y hagulgol nitong haraya
Mabasa mo lamang itong aking mga tula
Ay labis na ang tuwa ko't akin itong ikaliligaya.

(Pambungad sa mga tulang nilikha ng makata para sa librong "Aklat at Rosas, Pebrero 2008)