Martes, Pebrero 11, 2014

Bagay muna bago isip ang mapagpasya

BAGAY MUNA BAGO ISIP ANG MAPAGPASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

“It is not the consciousness of men that determines their being, but, on the contrary, their social being that determines their consciousness.” ~ Karl Marx, A Contribution to the Critique of Political Economy (1859)

busog ka ng dalawang araw ay iyong isipin
at sa loob ng araw na ito'y di ka kakain
kaibigan, makakaya mo kaya itong gawin
isipin mo lang busog ka, umulan ma't arawin

kung sakali mang hamon kong ito'y magagawa mo
aba'y natatangi ka, kami sa iyo'y saludo
ngunit di ito magagawa ng lahat ng tao
pagkat bagay bago isip ang mapagpasya rito

nang sa Edsa mga tao'y sabay-sabay nagtipon
di iyon dahil inisip lang nilang gawin iyon
may nagkakaisa silang karanasan at layon
na nagtulak upang baguhin ang lagay ng nasyon

nag-iisip paanong mawala ang paghihirap
ngunit di naman kumikilos, pulos lang pangarap
bulong lang ng bulong, nais na buhay ay sumarap
ngunit walang ginagawa upang ito'y maganap

di ba't dapat may batayan ang ating pagpapasya?
anong materyal na kondisyon ng bayan, ng masa?
bakit sanlaksa'y dukha, kaunti'y nagtatamasa?
paano tayo kikilos, magagawa'y ano ba?

materyal na kondisyon ay dapat nating mabago
suriin ang lipunan, lagay ng bansa't ng tao
bakit ba laksa-laksa ang naghihirap sa mundo
di ito imahinasyon lamang, ito'y totoo

totoong mapagpasya'y bagay muna bago isip
sige, subukan mong mangarap ng gising, umidlip
magbabago ang lipunan sa iyong panaginip
ngunit paggising mo, hirap pa rin ang halukipkip

kaya kailangang suriin bawat kalagayan
at dito magsisimula ang pagbabagong asam
aralin ang ekonomya, pulitika, lipunan
mula dito'y kumilos tayo't sistema'y palitan

Pumuti na ang buto, huwag lamang ang sakong

PUMUTI NA ANG BUTO, HUWAG LAMANG ANG SAKONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

May kasabihan sa Tausug, "Marayaw pa mutih in bukug ayaw sin tikud-tikud” (It is better to see the white [color] of one’s bones [from a wound] than that of one’s heels) na sa Tagalog ay "Mas mabuti pang pumuti ang buto kaysa pumuti ang sakong." Ang ibig sabihin, mas mabuti nang mamatay kaysa tumatakbo sa laban.

sa labanan ay walang espasyo ang karuwagan
pagkat ang karuwagan ay di dapat sa labanan
mabuti pang mamatay ka sa isang tunggalian
kaysa bahag ang buntot, ito'y walang karangalan

ngunit may labanang di dapat alayan ng buhay
dahil walang prinsipyo, sayang ang buhay na alay
kung kayang mag-usap, mag-usap muna silang tunay
lutasin ang suliranin nang may prinsipyong gabay

ngunit sa isang digmaang ubusan na ng lahi
ang tumakbo sa laban ay duwag, wala nang puri
kahiya-hiya siya, dapat buhay na'y maputi
huwag lang masabing duwag, di baleng mamighati

ah, mabuti pang malagyan ng tingga yaong ulo
kaysa ang mabuhay kang duwag ang turing sa iyo
di makatindig ng taas-noo kahit kanino
pag ganito'y magbigti na o kaya'y mag-seppuku

mas mabuti pang pumuti ang buto kaysa sakong
dahil kumasa ka't sa labanan ay di umurong
bakit ba kailangang maglaban, ang iyong tanong
nararapat lang mag-usap, magkaroon ng bodong

talasalitaan:
* seppuku - ritwal ng pagpapatiwakal, o harakiri
* bodong - usapang pangkapayapaan
* maputi (sa ika-3 saknong) - sa ingles ay "to be killed" (matandang Tagalog)
* pumuti (sa ika-5 saknong) - sa ingles ay "to be white"