Miyerkules, Hulyo 24, 2024

Pitaya (dragon fruit)

PITAYA (DRAGON FRUIT)

mabuti't may dragon fruit o Pitaya
na siya namin ngayong mineryenda
aayaw-ayaw pa ako nang una
subalit kaysarap pala ng lasa

salamat sa dragon fruit, may pagkain
habang bagyo't humaginit ang hangin
dito sa Cubao ay meryenda namin
na buti't mataas, hindi bahain

si Bruce Lee nga'y nagunita ko ngayon
habang dragon fruit itong nilalamon
bida si Bruce Lee sa Enter the Dragon
at bida rin sa The Way of the Dragon

ang Pitaya ay binigay kay misis
na nang tikman ko ay manamis-namis
panlaban daw ito sa diabetes,
sa kanser, maging sa Parkinson's disease

laban din sa Alzhaimer o kalimot
prutas pala itong mabisang gamot
na sa atin pala'y may buting dulot
salamat sa Pitaya dragon fruit

- gregoriovbituinjr.
07.24.2024

* ilang pinaghalawan ng datos:

Halaman

HALAMAN

nagtatabaan ang mga halaman
pagkat binubusog sila ng ulan
natighaw ang uhaw ng lupang tigang
sa bahaging ito ng kalunsuran

tag-araw pa'y lagi nang nagdidilig
ng halaman, iyon ang aking hilig
ngayon, sipol ng bagyo'y umaantig
sa puso't tila musika'y narinig

mga gulay sa paso, talong, sili
petsay, alugbati, kangkong, kamote
may gamot din sa kanser: ang mulberry
upang sa botika'y di na mawili

salamat sa mga tanim ni misis
habang tinanim ko'y okra't kamatis
mayroon din namang tanim na atis
na sana'y magsitubo nang mabilis

- gregoriovbituinjr.
07.24.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/1083181226565202 

Tagas sa loob ng bahay

TAGAS SA LOOB NG BAHAY

yerong bubong namin ay butas na
panay ang tagas ngayong may bagyo
apat na timba'y nilagay ko pa
upang tulo'y sahuring totoo

tila may waterfalls na sa bahay
unos at patak nga'y maririnig
patak ay minamasdan kong tunay
habang katawa'y nangangaligkig

tinapalan naman ito noon
tila di umubra ang bulkasil
patak na tila patalon-talon
na sa diwa ko'y umuukilkil

inipon ko ang naroong timba
na agad itinapat sa butas
habang lansangan na'y binabaha
subalit nais kong makalabas

nais kong bumili ng pang-ulam
ngunit bagyo'y kaylakas sumipol
tila ako'y tatangayin naman
ng bagyong animo'y nagmamaktol

- gregoriovbituinjr.
07.24.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/twgyPWor2R/

Do or Door

DO OR DOOR

pumasok ka sa pinto o lumabas
subalit huwag lamang sa bintana
ika nga, DO OR DOOR, aba'y ang angas
di DO OR DIE ang nalikhang salita

pariralang nabuo sa Word Connect
na paborito ko laging laruin
upang makapahinga yaring isip
sa paglipad doon sa papawirin

gagawin ko ang pinto, pintong kahoy
at lalagyan ng bisagra sa gilid
gagawin ko kahit na kinakapoy
natutunan sa Wood Work na'y magamit

bumabagyo, may pantabing sa lamig
bukod sa balabal, kurtina't kumot
pinto'y pantabing sa nangangaligkig
na ang ginaw sa balat nanunuot

mas mabuting may pinto kaysa wala
upang di mapasok ng magnanakaw
lalo na't tulog sa gabing payapa
o kahit tirik pa ang haring araw

- gregoriovbituinjr.
07.24.2024

Magbasá

MAGBASÁ

magbasa-basá habang bumabagyo
magbasá talaga ang aking bisyo
di ang magbasâ sa ulan o bagyo
kundi magbasá ng lathala't libro

ayoko namang magbasâ sa ulan
baka magkasakit yaring katawan
magbasá na lang sa munting aklatan
may nobela pa't may kwentong wakasan

kaylakas ng tikatik, bumabahâ
sa lansangan, kasama ko'y palanggâ
sa aming tahanang kayraming timbâ
upang saluhin ang patak ng sigwâ

tumatanda na ang iyong kapatid
buti't may aklat at may nababatid
upang pag buhay na ito'y mapatid
sa ulap ay may tulang ihahatid

- gregoriovbituinjr.
07.24.2024