Miyerkules, Hulyo 8, 2020

Sa kwarantina ng mga lubid

naipit siya sa kwarantina ng mga lubid
di ko mawaring sa puntong iyon ay mauumid
panggagalaiti niya'y kitang-kita sa litid
ng leeg niyang may kung anong nagbabadya't hatid

maraming sampayan, pulos panali sa bodega
iba't ibang kapal ng lubid sa dating pabrika
iniwanan ng may-ari noong sila'y magwelga
at nang mag-lockdown ay naiwan siyang nag-iisa

walang agarang suporta, gipit, anong nangyari?
di ka pwedeng basta lumabas kung ayaw mahuli
sa kwarantina ng mga tali'y di mapakali
masaklap, baka kumuha ng lubid at magbigti

napapaligiran ng lubid, ah, kaawa-awa
sa kwarantinang ito'y nais niyang makawala
walang trabaho, walang kita, wala ring magawa
animo piketlayn na iyon ay kasumpa-sumpa

mabuti't may ilang manggagawang sumusuporta
na malapit doong may bigay ng konting halaga
ngunit sadyang iba sa panahon ng kwarantina
pagkat iba'y nasa pamilya, siya'y nag-iisa

- gregbituinjr.

Kwento ng isang kilong libag

isang kilong libag ang nakuha ko nang maghilod
ng buong katawan, bisig, leeg, balikat, tuhod,
alak-alakan, himpak-himpakan, libag ay kayod,
kasu-kasuhan, talampakan, ah, nakalulugod

saan kaya nanggagaling ang sangkaterbang libag
na pawang mga mikrobyong di agad mabanaag
kumakapit yaong duming padagdag nang padagdag
na pag hinilod mo'y giginhawa't mapapanatag

O, mga libag na sa katawan ko'y kumakapit
kayo'y alikabok na naglipanang anong lupit
kalinisan ba sa katawan ko'y ipagkakait?
kahit may salawal na'y napapasok pati singit

di lang sa alikabok kundi pawis na natuyo
kaya nga kaysarap maghilod habang naliligo
muli, haharap ka sa mundong may buong pagsuyo
magaan ang pakiramdam mong libag na'y naglaho

- gregbituinjr.

Kwento ng isang kantanod

sa piging na iyon, may kantanod, di imbitado
kita mong napapalatak sa handang imbutido
dating napiit dahil sa gawaing imbalido
natagayan naman, lumaklak na parang imbudo

pinanood ng kantanod ang mga nagsasayaw
at sa halakhakan nilang halos di magkamayaw
nais pa niya ng isang tagay, ramdam ay uhaw
serbesa iyong tila sa nadarama'y titighaw

anong dapat gawin sa kantanod na isang tambay
bakit araw-gabi na lang ay nagpapahingalay
sadya bang batugan? anong kwento ng kanyang buhay?
siya ba'y kuntento't masaya? o tigib ng lumbay?

marami siyang pangarap, oo, baka, pangarap
lalo't maya't maya'y nakatitig sa alapaap
sa buhay ba niya'y anong naganap at nalasap?
tatanda na lamang ba siyang walang lumilingap?

- gregbituinjr.

* kantanod - panauhing hindi inanyayahan, panonood sa pagkain (mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino, inedit ni Ofelia E. Concepcion, pahina 90)

Pagdalumat

naparito akong di madalumat ang kataga
habang hinahanap ko ang nawawalang diwata
habang siya'y hinahagilap sa abang gunita
siyang may ngiting anong ganda't magiliw na mukha

dinadalirot ko man ang nagnanaknak kong sugat
balang araw, kasawiang ito'y magiging pilat
na bagamat napaghilom na'y di pa rin makatkat
pagkat balantukan, na ang naghilom lang ay balat

tanaw ko ang sariling kuyom pa rin ang kamao
na sa pakikibaka'y nananatiling seryoso
di nagigiba ang paninindigan at prinsipyo
palaban, nakikibaka, kahit mukhang maamo

mga salitang angkop sa tula'y hahagilapin
upang kagiliwan ng madla pagkat matulain
anumang patakaran ng puso'y huwag labagin
nang manatiling malaya, sa bisig ma'y kulungin

- gregbituinjr.