Lunes, Nobyembre 11, 2019

Pagbati sa UATC!

moog na ang United Against Torture Coalition
upang karapatang pantao'y matamasa ngayon
ngunit dinaranas sa kasalukuyang panahon
may banta pa rin ng tortyur sa ating henerasyon

kaysa tortyur, mas mabigat ang nangyayaring tokhang
na ang biktima, matapos saktan, ay pinapaslang
naninibasib pa ang rehimen ng mga halang
na di mo malaman kung ang pinuno nila'y hibang

nabalita noon, may lihim na detensyon pala
buti na lang, may naglantad ng kalokohan nila
gumawa ba'y dinisiplina't naparusahan ba
upang napiit ay may asahang bagong umaga

ang batas laban sa tortyur ay gawin nang palasak
may wastong proseso nang bilanggo'y di mapahamak
taas-kamaong pagpupugay, puso'y nagagalak
sa pansampung anibersaryo ng Anti-Torture Act

- gregbituinjr.

* nilikha at ikalawang tulang binasa ng makata sa pagtitipon ng United Against Torture Coalition (UATC), Nobyembre 11, 2019

Tama na ang tortyur, tigilan na ang pananakit!

sinasaktan ba ng pusa ang nahuhuling daga
kakagatin ba ng aso ang matanaw na pusa
at kinakagat ba ng tagak ang malansang isda
nangyayari pa rin ba ang mga tortyur sa bansa

paano bang mga pinuno'y nagpapakatao
paano bang mundo'y maging payapa't walang gulo 
paano pinapuputok ng aspile ang lobo
paano bang ang tortyur ay mawala na sa mundo

nadarama nyo ba ang sakit ng bawat kalamnan
naririnig nyo ba ang daing ng mga sinaktan
paano ba nirerespeto bawat karapatan
upang wala nang tortyur sa piitan o saanman

ayaw na naming sumigaw ng laksa-laksang impit
tama na ang tortyur, tigilan na ang pananakit
dapat namumuno'y may respeto't sariling bait
sana'y wala nang tortyur, karapatang pinagkait

- gregbituinjr.

* nilikha at una sa dalawang tulang binasa ng makata sa pagtitipon ng United Against Torture Coalition (UATC), Nobyembre 11, 2019

Inhustisya

“Injustice anywhere is a threat to justice everywhere. We are caught in an inescapable network of mutuality, tied in a single garment of destiny. Whatever affects one directly, affects all indirectly.” ~ Martin Luther King Jr., Letter from the Birmingham Jail

ang kawalang hustisya saanmang panig ng mundo
ay banta sa hustisya sa iba pang lugar dito
kung may kawalan ng katarungan sa kapwa tao
apektado rin ang katarungang para sa iyo

binato ang langit, nang matamaan ay nagalit
binato kasing paitaas. at sadyang kaylupit
kaya sa mukha bumalik, umiyak parang paslit
nawa sa biktima, hustisya'y huwag ipagkait

leron, leron sinta, sa hustisya'y may nagbabanta
buhay daw ay barya lang, kaylupit ng pinagpala
bata, bata, isang perang muta, may bumulagta
kaya mahal sa buhay ay naroong lumuluha

kung may nabalitaang walang prosesong pinaslang
baka sa susunod, ikaw naman ang matamaan
kaya marapat lang, sa nangyayari'y makiramdam
huwag mong balewalain, dapat kang makialam

- gregbituinjr.

Kung wala kang maitulong

nais na tanungin ako sa aking karamdaman
gusto lamang palang mag-usisa, wala din naman
tutulong? iyon pala, siya ang may kailangan
kwentuhan muna, maya-maya, sinong mautangan

naroroon lamang akong dinaramdam ang sakit
nagpapagaling sa dumapong sadyang anong lupit
ramdam ko'y parang busog at palasong binibinit
tila mukha'y binabanat, buhay ay nasa bingit

tapos, nariyan kang nangungusap ng anong pakla
habang ako'y naliliyo't sa kwento'y napapatda
nababarat tuloy ang niyakap na panimula
habang nakikinita ko na ang aba kong lupa

kung wala kang maitulong, huwag ka nang magtanong
manahimik na lang, kung walang perang pasalubong
anong paki mo, kung buhay ko'y wala nang karugtong
ang itulong mo na lang ay pambayad sa kabaong

- gregbituinjr.