Lunes, Pebrero 7, 2022

Upong seksi

UPONG SEKSI

"Upong seksi muna, maraming pasahero" sa dyip
sa paskil na ito'y talaga kang mapapaisip
upong seksi? nang magkasya lahat, kahit masikip?
"nahan ang social distancing?" ang agad kong nalirip

- gregoriovbituinjr.
02.07.2022

Ngiting kaytamis

NGITING KAYTAMIS

kaytamis ng ngiti sa litrato
roong pinaskil sa dyip na iyon
lulundag sa galak ang puso mo
dahil isa iyong inspirasyon

sa pagsakay ay di maiinip
dama man ng katawan ay pata
isang ngiti sa dyip na masikip
sa iyo'y may kalakip na tuwa

marahil siya'y isang artista
na pagkatamis ng ngiting handog
na salubong sa bagong umaga
upang mundong masaya'y mahubog

isang ngiti lang ang maialay
ng bawat isa sa araw-araw
ay nagbibigay-tamis sa buhay
na kahit dukha'y di mamamanglaw

- gregoriovbituinjr.
02.07.2022

Konting tulong sa mga drayber

KONTING TULONG SA MGA DRAYBER

gutom ang idinulot ng pandemya
sa mga drayber na namamasada
konting tulong ang hinihingi nila
lalo't bihira naman ang ayuda

upang sa araw-araw mairaos
yaong buhay nilang kalunos-lunos
sila'y di makapamasadang lubos
kaya sa pamilya'y walang pangtustos

konting barya lang sa tabo ilagay
anumang kaya ay ating ibigay
kabutihang loob na lang ang alay
sa tulad nilang di na mapalagay

tulungan natin silang di sumuko
sa konti mang pag-asa'y di mabigo
punuin natin ang kanilang tabo
ng mga barya o kahit na buo

- gregoriovbituinjr.
02.07.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa Katipunan at Balara malapit sa UP gate