Huwebes, Agosto 30, 2012

Sa Ika-10 Anibersaryo ng MMVA

SA IKA-10 ANIBERSARYO NG MMVA
(Metro Manila Vendors Alliance)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nakakabili ng bawat tingi
sa manininda ang kanyang suki
laking tipid sa bawat kalupi
busog na rin kahit na kaunti

sistema'y laging pinagkakasya
kung magkano lang ang nasa bulsa
anong mabibili nitong barya
sa tingian, nakakaraos na

bili kayo, meron akong yosi
dito na rin kayo makisindi
tubig, palamig, meron pang kendi
kung anong gusto, kayo'y bumili

ganyan ang buhay ng manininda
munting puhunan lang, nagbebenta
pamatid gutom ang konting kita
tumutubo kahit barya-barya

sa MMVA, mabuhay kayo
pagpupugay itong pagbati ko
sa pagbaka'y magpatuloy tayo
hanggang ang tagumpay ay matamo

Mata ng buwan

MATA NG BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

karimlan ng gabi nang tuluyang mawala
ang kanyang amang isang lider-manggagawa
sa tindig at prinsipyadong pananalita
itay niya'y sadyang kinilala ng madla

ngunit sa karimlang tila tulog ang buwan
ang irog na ama'y dinukot ng sinuman
di na nakita, mga taon na'y nagdaan
itay ba niya'y sinaklot ng kamatayan

sinong magsasalaysay kung anong nangyari
nang ama'y mawala sa karimlan ng gabi
saan inilibing, wala bang magsasabi
ang mga maysala lang ba ang tanging saksi

kayraming ang taguri'y desaparesido
silang nangawala sa bayang anong gulo
dinaluhong ng mga pusong tila bato
malalantad pa kaya kung sinong berdugo

saksi kaya ang buwan sa gabing kaylagim
lalo't nangyari'y sadyang karima-rimarim
nawa'y mabunyag pa ang nagbabagang lihim
upang maibsan naman yaring paninimdim