MATA NG BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
karimlan ng gabi nang tuluyang mawala
ang kanyang amang isang lider-manggagawa
sa tindig at prinsipyadong pananalita
itay niya'y sadyang kinilala ng madla
ngunit sa karimlang tila tulog ang buwan
ang irog na ama'y dinukot ng sinuman
di na nakita, mga taon na'y nagdaan
itay ba niya'y sinaklot ng kamatayan
sinong magsasalaysay kung anong nangyari
nang ama'y mawala sa karimlan ng gabi
saan inilibing, wala bang magsasabi
ang mga maysala lang ba ang tanging saksi
kayraming ang taguri'y desaparesido
silang nangawala sa bayang anong gulo
dinaluhong ng mga pusong tila bato
malalantad pa kaya kung sinong berdugo
saksi kaya ang buwan sa gabing kaylagim
lalo't nangyari'y sadyang karima-rimarim
nawa'y mabunyag pa ang nagbabagang lihim
upang maibsan naman yaring paninimdim
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento