Lunes, Agosto 4, 2008

Gawing Bilog ang Tatsulok

GAWING BILOG ANG TATSULOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

1
Kung itutulad itong bayan sa tatsulok
Elitista’t mayayaman ang nasa tuktok
Makikitang ito’y isang sistemang bulok
Pagkat dalita’y sa ilalim nakalugmok.
2
Ang tatsulok ay dapat nating baligtarin
Ito’y panawagan ng marami sa atin
Ako’y umaayon pagkat pangarap ko rin
Na mabago na itong kalagayan natin.
3
Halina’t ating baligtarin ang tatsulok
Upang uri’y mawala sa lipunang bulok
Nang mawala rin ang mga pinunong bugok
Na sa bayan natin ay nakapagpalugmok.
4
Tatsulok itong ginawang paglalarawan
Nitong uri ng tao sa ating lipunan
Lalo’t sa malaking agwat ng kalagayan
Ng mga mahihirap at ng mayayaman.
5
Balisunsong ang binaligtad na tatsulok
Na anyo’y imbudo o konong nasa sulok
Ang tatsulok ba’y dapat gawing balisunsong
O ito ba’y mas dapat gawin nating bilog?
6
Subukan ngang tatsulok ay baligtarin mo
At pabayaan kung makakatayo ito
Tiyak na babagsak ang isang gilid nito
At ang hahalili’y tatsulok namang bago.
7
Nais natin na ang pribadong pag-aari
Ng kagamitan sa produksyon ay mapawi
Pagkaapi’t kahirapa’y ito ang sanhi
At lumikha nitong lipunang makauri.
8
Ang tatsulok ay dapat nating gawing bilog
Upang makauring lipunan ay malasog
At itong pribadong pag-aari’y madurog
At pantay na sistema ang ating mahubog.
9
Sa sistemang bilog, wala nang mga uri
Wala na ring kapitalistang maghahari
Wala na ring elitistang mang-aaglahi
Pagkat pantay-pantay na ang lahat ng lahi.
10
Gawing bilog ang tatsulok na kalagayan
Nang wala nang naghihirap sa ating bayan
Itong sistema’y baguhin nating tuluyan
At itayo na ang panibagong lipunan.
11
Itatag natin ang isang bagong sistema
Isang lipunang walang pagsasamantala
Isang sistemang mapagkalinga sa kapwa
At lipunang makatao para sa masa.
12
Dito’y igagalang lahat ng karapatan
Ng bawat sektor sa bago nating lipunan.
Dito’y iisipin ang bawat kapakanan
At pagkakapantay-pantay ng kalagayan.
13
Magbabago rin ang takbo ng kasaysayan
Pagkat pribadong pag-aari’y wawakasan
Kaya pagkagahama’y wala nang batayan
Pag-ibig ang iiral sa sangkatauhan.
14
Mga kaugalian din ay magbabago
Sa maitatatag na bagong sosyalismo
Pagpapakatao’t makipagkapwa-tao
Ang siyang gawi ng bawat isa sa mundo.

Sampaloc, Maynila
Agosto 4, 2008

Sa Sisne ng Panginay (Alay kay Francisco Balagtas)

SA SISNE NG PANGINAY
(Alay kay Gat Francisco Balagtas)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(12 pantig bawat taludtod)

I

Maraming salamat sa iyo, Balagtas
Sa matalinghagang Florante at Laura
Sa pagbasa nito, dibdib ko’y nagningas
Nag-alab sa aral ng bunying makata.

Mga salita mo’y nagtitila lunas
Sa puso ko’t diwang dinilig ng dusa
Na pawang dinulot sa bayang dinahas
Ng mga pinunong naghudas sa masa.

Malayu-layo na itong nababagtas
Ng iyong panganay na obra-maestra
Ang mga salita’y kagila-gilalas
Sa tulad kong munting manunulang aba.

Ang akda mo’y parang kaysarap na ubas
Kaysarap namnamin at sadyang malasa
Malalim na diwa’y aking nakakatas
Habang patuloy pa itong namumunga.

Ngunit pag akda mo’y nabasa ng hudas
Sa mahal na bayang hitik sa problema
Tiyak madudurog ang diwang marahas
Pagkat humihibik ng bagong sistema.

Sadyang bayani ka sa amin, Balagtas
Ikaw ay huwaran ng bagong makata
Di ka malilimot ng bayan kong wagas
Di ka mamamatay sa literatura.

Panitikan itong kayganda ng bakas
Tumatak na sa’ming puso’t kaluluwa
Marapat nga muling ialay sa bukas
Ang obra-maestrang Florante at Laura.

II

Abang manunula’y nagbibigay-pugay
Sa tinaguriang sisne ng Panginay
Ang iyong pamana’y may birtud na taglay
Sa mga tula kong laging nilalamay.

Yaong talinghagang iyong inihasik
Sa bukid ng diwa’y lumagong tahimik
Binunga’y kaysarap at kasabik-sabik
Sa makatang itong taga-Balic-Balic.

Sampaloc, Maynila
Agosto 4, 2008

Hanggang Kailan Magtitiis

HANGGANG KAILAN MAGTITIIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(13 pantig bawat taludtod)

1
Pag-aring pribado ng mga kagamitan
Sa produksyon ng kalakal sa mga bayan
Ang siyang dahilan ng ating kahirapan
Kaya’t dapat itong mawala nang tuluyan.

2
Hangga’t pribadong pag-aari ng iilan
Ang mga lupain at pabrika sa bayan
Hangga’t lakas-paggawa’y pinagtutubuan
Hangga’t may agwat ang mahirap at mayaman

3
Hangga’t nagpapatuloy pa ang kurakutan
Hangga’t di binabago ang pamahalaan
Hangga’t marami sa ati’y ayaw lumaban
Hangga’t marami ri’y nagmamaang-maangan.

4
Mananatili pa rin itong pagkaapi
Hangga’t nagbubulag-bulagan ang marami
Hangga’t sa panawagan sila’y mga bingi
Sa pagbabagong atin ngayong minimithi

5
Ang mga panawaga’y kailan diringgin?
Aping kalagaya’y kailan babaguhin?
Kapag marami na ang namatay sa atin?
Ang tatsulok ba’y ating pananatilihin?

6
Hindi na panahon ng patunga-tunganga
Organisahin na ang uring manggagawa
At ipatimo ang misyong mapagpalaya
Tungo sa pagbabago ng lipuna’t bansa.

7
Dapat mawala ang pribadong pag-aari
Upang wala nang sa atin ay mang-aglahi
Sa susunod na yugto ito’y mapapawi
At dignidad ng paggawa’y mananatili.

8
Ibagsak na natin itong kapitalismo
At sumulong tayo sa yugtong panibago
Ating itatayo ang bagong sosyalismo
Para sa pakinabang ng lahat sa mundo.

Sampaloc, Maynila
Agosto 2, 2008