Linggo, Mayo 4, 2008

Hibik ng isang ulila

HIBIK NG ISANG ULILA
ni Greg Bituin Jr.
waluhang pantig

itay, nahan ka na, itay
bakit mo kami iniwan
at pinili ang digmaan?

sabi sa akin ni inay
tungkulin mo raw depensahan
ang kalayaan ng bayan

ngunit ang digmaang iya'y
isang digmaang agresyon
at di ito pagtatanggol

inuto ka lamang nila
pagkat imbes ipagtanggol
at depensahan ang masa

ang ugat ng gerang iya'y
upang makuha ng Kano
ang langis ng bansang Iraq

langis na magreresolba
sa hingalong ekonomya
ng malaking bansa nila

ngunit ang pinakaugat
sa pakiwari ko, itay
ay ang kasibaan nila

sa tubo't kapangyarihan
at sinisisi ko sila
oo, sila, itay, sila

dahil sa iyong maagang
pagkawala, pagkawala
sa piling namin ni inay

ah, malupit ang digmaan
na maraming inulilang
pamilya at kabataan

ah, kailan ba darating
itong inaasam nating
tunay na kapayapaan?

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralit ng Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2002, p.8.

Laban

LABAN
ni Greg Bituin Jr.
isang tanaga

Hindi sa panaginip
O patunga-tunganga
Tayo magtatagumpay.
Gumising at lumaban.


- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2002, p.8.

Epidemya ng kahirapan

EPIDEMYA NG KAHIRAPAN
ni Greg Bituin Jr.
tigpipitong pantig

ngayo'y nagagamot na
nitong modernong syensya
sakit na malulubha
na dinanas ng madla
ngunit ang karaniwang
sakit nitong lipunan
- ito ngang kahirapan -

ay di pa malunasan
makapaglakbay na nga
itong tao sa buwan
naabot na ng tao
sapat na karunungan
at pati kaunlaran
nitong buong lipunan

upang mapaginhawa
itong sangkatauhan
maunlad na ang syensya
pati teknolohiya
pero hikahos pa rin
ang mayorya sa mundo
tila di umuusad

kahit isang pulgada
ang kalidad ng buhay
di ba'y walang kaparis
ang itinaas nitong
produksyon sa pagkain
pero milyun-milyon pa'y
namamatay sa gutom

maraming nagkasakit
dahil sa malnutrisyon
naglalakihan itong
mga gusali't mansyon
pero walang matirhan
ang daan-daang milyong
tao dito sa mundo

sobra-sobra ang yaman
na galing sa Paggawa
pati sa kalikasan
subalit ang problema
ang mga yamang ito'y
inaari lang nitong
minorya sa lipunan

kanilang inalipin
itong nakararaming
walang ari-arian
tunay na ang mikrobyo
ng ating kahirapan
ay itong sinasabing
pribadong pag-aari

ng mga kagamitan
sa produksyon na tulad
ng makina't lupain
pribadong pag-aari'y
siyang pinakaugat
ng mga paghihirap
ng tao sa daigdig

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2002, p.8.