Biyernes, Hulyo 30, 2021

Pagod man ay nakikibaka

PAGOD MAN AY NAKIKIBAKA

nakita ko lamang siya sa raling dinaluhan
tila pagod sa trabaho't napaupo na lamang
habang iniharang sa init ang plakard na tangan
galing man sa trabaho, rali pa ri'y dinaluhan

sadyang nais ipakita ng nasabing obrero
ang pakikiisa sa laban, isyu at prinsipyo
na pinaglalaban ay nais nilang ipanalo
laban sa mapang-api't sistemang kapitalismo

taas-kamao sa manggagawang ito, mabuhay!
na patuloy pa ring nakikibaka, pagpupugay!
inspirasyon siya sa dedikasyon niyang lantay
nang laban ng kapwa obrero'y ipagwaging tunay

pagod man ang manggagawa'y sumusuong sa laban
upang kanyang uri'y di na mapagsamantalahan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa rali ng manggagawa sa tanggapan ng DOLE, 07.23.2021

Tulog na ng alas-siyete ng gabi

TULOG NA NG ALAS-SIYETE NG GABI

madalas, tulog na ng alas-siyete ng gabi
kailangan nang magpahinga, di tulad ng dati
nang bata pa'y ginagabing nakatambay sa kalye
ngayon nakikipagpingkian na sa guniguni

tulog na ng alas-siyete ng gabi sa papag
ipapahinga ang patang katawan sa magdamag
ngunit madaling araw gising na't napapapitlag
upang magnilay-nilay at magsulat, magpahayag

gising na ang diwa habang karimlan pa'y pusikit
nais ibangon ang katawan kahit nakapikit
sa mga taludtod at saknong na'y may hinihirit
gawa'y patibong sa akdang kalaban ng malupit

kay-agang matulog ngunit kay-aga ring bumangon
upang kunin ang talinghaga sa loob ng balon
at ngangatain upang tuluyan itong malulon
habang iginuguhit sa palad ang mga alon

- gregoriovbituinjr.