Sabado, Hunyo 29, 2024

Alay na tula sa Wealth Tax Assembly

ALAY NA TULA SA WEALTH TAX ASSEMBLY

O, dukha't manggagawa, / tara nang magkaisa
sama-samang baguhin / ang bulok na sistema
para sa karapata't / panlipunang hustisya
at sa kinabukasan / ng mayorya, ng masa

di tayo sawsaw-suka / na winawalanghiya
ng mga naghaharing / elitista’t kuhila
di hanggang ayuda lang / ang mga maralita
kundi may dignidad din / kahit na tayo'y dukha

ating ipaglalaban / kapwa natin kauri
laban sa mga trapo’t / burgesyang naghahari
wealth tax ay pairalin / pag tayo na'y nagwagi
sa trapo't elitistang / di dapat manatili

sulong, mga kasama / tungo sa rebolusyon
ng dukha’t manggagawang / may makauring misyon
sa lipunang pangarap / isip nati'y ituon
at sama-sama nating / kamtin ang nilalayon

- gregoriovbituinjr.
06.29.2024

* binasa ng makatang gala sa pagtatapos ng kanyang pagtalakay sa paksang "Wealth Tax at Maralita" sa Wealth Tax Assembly na ginanap sa UP Integrated School, Hunyo 29, 2024
* ang nasabing pagtitipon ay pinangunahan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at Asian People's Movement on Debt and Development (APMDD)

Sa gilid man ng bangin

SA GILID MAN NG BANGIN

kaming tibak na Spartan / ay nasa gilid ng bangin
ng pakikibakang dukha / na lipunan ang salamin
bakit ba lagi na lamang / nakikita'y tagulamin
at di na nalalasahan / ang ginhawang asam namin

kaya nagpapatuloy pa / sa bawat pakikibaka
upang tiyaking matamo / ang panlipunang hustisya
kaya naririto pa ring / kumikilos sa kalsada
na harangan man ng sibat / di patitinag talaga

batbat na ng karukhaan / ang mayoryang maralita
at tanging sa pagkilos lang / ng sama-sama ng madla
kalagaya'y mababago't / ibabagsak ang kuhila
ang mabago ang sistema'y / prinsipyo nami't adhika

nasa gilid man ng bangin / habang kayraming hikahos
dahil sa sistemang bulok / at mga pambubusabos
ang mga sanhi ng hirap / ay dapat nating makalos
upang lipunang pangarap / ay makamtan nating lubos

- gregoriovbituinjr.
06.29.2024

* selfie ng makatang gala sa rali ng Hunyo 12, 2024, hanggang Recto lang at di na nakapasok ng Mendiola