Biyernes, Mayo 5, 2023

Pagtagay

PAGTAGAY

tumagay muna't pahinga naman
at sardinas ang pinupulutan
relaks-relaks din paminsan-minsan

tumagay na naman ang kolokoy
"work and no play can make you a dull boy"
di ba, ika nila sa Ingles, hoy

kanina, mais sabaw, may fiber
ngayon, Red Horse, sardinas, mag-partner
simple lang tumagay, walang hassle

umiinom na naman ang kumag
para sa gabing ito'y panatag
pagkalasing ay tila kalasag

tara, minsan lang ito, tagay na
okay lang ako kahit mag-isa
wala namang nakakaalala

eh, ano nga palang selebrasyon?
wala lang, ay, teka, aba'y meron!
birthday nga pala ni Karl Marx ngayon

- gregoriovbituinjr.
05.05.2023

Titisan

TITISAN

ginawa kong muli ay mga ashtray o titisan
mula sa lata ng sardinas na wala nang laman
aba'y sayang naman kung basta itatapon na lang

gayong maaari pang gawing lagayan ng upos
at titis ng yosi sakali mang ito'y maubos
ito'y inisyatiba, walang sinumang nag-utos

para lang alam mo, di ako naninigarilyo
ang titisan sa kalikasan ay munting ambag ko
nang di pakalat-kalat ang upos, titis o abo

aba'y nasasakal na sa upos ang katubigan
na lulutang-lutang sa ilog, sapa't karagatan
ang tubig ay buhay, di man lang natin matulungan

ang titisan ay iaambag ko sa opisina,
plasa, barberya, palengke, at kung saan-saan pa
munti man, tulong na sa kalikasang nagdurusa

- gregoriovbituinjr.
05.05.2023

Karton lang ang pagitan

KARTON LANG ANG PAGITAN

sa labas ng bahay, sa bakuran
ay aking ginawan ng tirahan
ang limang kuting na nananahan
sa bahay, karton lang ang pagitan

lalabasan nila'y nahahanap
kaya pinasakan ko ang butas
ngunit mahusay silang umakyat
talaga namang nakakaalpas

pagkat gutom, hanap ay pagkain
pag ngumiyaw, uhaw, painumin
at bibigyan din ng makakain
pag busog, tutulog na ang kuting

sa petsang Mayo Disisiyete
aba'y sambuwan na sila dine
ah, matagal pa bago lumaki
ngunit mayroon na silang silbi

nawala nga yaong mga daga
ay napalitan naman ng pusa
buti nang may ganitong alaga
na sa puso'y may hatid na tuwa

- gregoriovbituinjr.
05.05.2023

Ang nakaakbay

ANG NAKAAKBAY

uy, aba, kay Greg, may umakbay na
sabi noon ng isang kasama
wala raw syota, akala nila
subalit may umaakbay pala

oo, may umakbay na sa akin
aba, ako mismo'y kinilig din
torpe man ngunit nanligaw pa rin
hanggang ako nga'y kanyang sagutin

ngayon, kasama ang nakaakbay
sa mga paglalakbay sa buhay
siya ang napangasawang tunay
kapiling hanggang ako'y mamatay

baka lahat daraan sa ganyan
na may isang makakatuluyan

- gregoriovbituinjr.
05.05.2023

* litrato'y selfie ng makatang gala habang sakay sa harapan ng dyip

Pinaglagaan ng mais

PINAGLAGAAN NG MAIS

kaysarap din namang inumin
ng pinaglagaan ng mais
na talagang pampalusog din
at bituka pa'y nalilinis

panibago kong bitamina
ang sabaw na pinaglagaan
ng mais na anong sarap pa
na talaga kong kailangan

nagbabawas ng kolesterol
at panganib ng colon cancer
sa kalusugan nauukol
mataas din ito sa fiber

panlaban din daw sa anemya
pinapadali ang panunaw
ito'y anti-oxidant pala
sa mata pa'y nagpapalinaw

tara, ito'y ating subukan
nang kolesterol ay bumaba
kaysarap ng pinaglagaan
lalo ang mais na nilaga

- gregoriovbituinjr.
05.05.2023

Sardinas na bistek

SARDINAS NA BISTEK

binili ko'y sardinas na bistek
upang tikman kung ano ang lasa
aba'y kaysarap pala ng lintik
pritong sardinas na, may sarsa pa

di na nakabili ng pandesal
bistek na sardinas ang binuksan
malasa, ulam ko sa almusal
at ang pakiramdam ko'y gumaan

kaluluto lang ng bigas mais
ay sinabayan na ng sadinas
na bistek, di ako nakatiis
sa gutom, kaysa naman mamanas

porke ba agad akong nabusog
at para bagang biglang inantok
ay hihiga muli't matutulog
ah, hindi, ako'y may inaarok

- gregoriovbituinjr.
05.05.2023

Lathalain tungkol sa Antique

LATHALAIN TUNGKOL SA ANTIQUE

binasa ko yaong lathalain
hinggil sa lalawigang Antique
pook yaong inilarawan din
na talagang kabigha-bighani

sa aking puso't diwa'y pamilyar
kahit di pa roon nakapunta
pagkat ina ko'y galing sa lugar
na iyon, sa bayan ng Barbaza

ah, animo ako'y tagaroon
gayong Manileño akong tunay
pangarap kong makarating doon
sa probinsya ng mahal kong nanay

halo mang Batanggenyo't Karay-a
marating ang Antique'y layunin
habang malakas pa'y makapunta
pangarap itong dapat tuparin

narating ko na ang ibang bansa
Paris, Japan, Tsina, Thailand, Burma
subalit sa Antique'y di pa nga
ah, kami ni misis ang pupunta

salamat po sa nagsulat nito
at nabuhay muli ang pangarap
na magtungo sa probinsyang ito
kahit sa malayong hinaharap

- gregoriovbituinjr.
05.05.2023

* ang anim na pahinang artikulong "Antique" na sinulat ni DJ Rivera ay nasa buwanang Enrich magazine na kadalasang mabibili sa Mercury Drug, isyu ng Abril 2023, pahina 76-81

Matapos kumain ng mga kuting

MATAPOS KUMAIN NG MGA KUTING

ginigising ni Kulit si Antukin
hayaan mo muna siyang matulog
iyan ang yugto matapos kumain
habang nahimbing na ang mga busog

hayaan muna silang magpahinga
at marahil sila'y may hinahabi
sa panaginip anong masarap ba
upang kagutuman nila'y mapawi

pagtulog nila'y aking pinagmasdan
ano kayang kanilang panaginip
bata pa sila, wala pang sambuwan
heto kaming sa kanila'y sumagip

nawala na ang isa, lima na lang
na sana nawala'y makapiling pa
baka nandiyan sa tabi-tabi lang
at may iba nang kumupkop sa kanya

- gregoriovbituinjr.
05.04.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kjDUysG4OW/