Martes, Mayo 29, 2012

Ang Hapon at ang Pulubing Pilipino

ANG HAPON AT ANG PULUBING PILIPINO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(mula sa komento at kwento ng isang Hapon na tinulungan ng isang pulubi nang maholdap ito, sa balitang "Filipinos urged to observe Philippine Flag Day on May 28" sa yahoo.com, mula sa kawing na http://ph.news.yahoo.com/filipinos-urged-observe-philippine-flag-day-may-28-035615124.html)

minsan sa yahoo ay nagkomento ang isang Hapon
na naninirahan na sa bansa ng sampung taon

dalawang Pinoy umano ang nangholdap sa kanya
bugbog-sarado siya't nilimas pa ang pitaka

tanging naiwan sa kanya'y ang kanyang kasuotan
humingi ng saklolo ngunit walang masulingan

nagpapahatid sa ospital sa tsuper ng taksi
singil ay dalawang libong piso, siya'y tumanggi

dahil wala nang maibigay na ganoong pera
kaya siya'y iniwan nito't bahala na siya

nadismaya ang Hapon na siya pa'y naparito
nang may lumapit na pulubing nais sumaklolo

marungis ang pulubi't sira-sira yaong suot
nakayapak, tila taong grasa't siya'y natakot

lumayo ang Hapon, akala'y muling nanakawan
sinundan siya ng pulubi't siya'y tinulungan

nagtungo sila sa ospital, pati sa pulisya
ngunit pangalan ng pulubi'y di niya nakuha

nang makapahinga ng dalawang araw ang Hapon
kasama'y igan at hinanap ang pulubing iyon

upang pasalamatan at bigyan ng gantimpala
ngunit ito'y tinanggihan ng pulubing kawawa

"paumanhin sa ginawa ng aking kababayan
subalit hindi po lahat ng Pilipino'y ganyan"

"tanging hiling ko lamang, sana'y iyong maikwento
na dukha man, may mabuting puso ang Pilipino"

matapos ito'y lumisan ang pulubing kawawa
hinabol ng Hapon, giniit niya ang pabuya

ngunit muling tumanggi ang pulubing kababayan
umalis na ang Hapon, bumalik ito sa Japan

isang buwan lang, balik-Pilipinas yaong Hapon
pulubi'y hanap, bibigyan daw ng trabaho iyon

ngunit nanlumo ang Hapon sa balitang natanggap
patay na't sinalpok ng bus yaong pulubing hanap

di nalilimutan ng Hapon ang magandang gawa
ng pulubing Pilipino na buhay ay kawawa

kaya ang tanging kahilingan ng pulubing ito
ay kanyang tinupad sa kanyang puso't pagkatao

at sa buong mundo'y kanyang ipinagmamalaki
na sa Pilipinas, kayraming pusong mabubuti