Biyernes, Disyembre 31, 2021

Pahabol na tula sa 2021

PAHABOL NA TULA SA 2021

aming pagbati sa pagsalubong sa Bagong Taon
sa inyo habang kaharap ang panibagong hamon
lalo na't ilang buwan na lang bago mag-eleksyon
upang magkaroon na ng pagbabago sa nasyon

isang bansang nagpapahalaga sa karapatan
at pinaiiral ay panlipunang katarungan
itatayo ang asam na makataong lipunan
kung saan bawat mamamayan ay naggagalangan

mabuhay kayo, kapamilya, kapuso, kalahi
bangayan at siraan ay di dapat manatili
kundi magkapitbisig ang magkapatid sa uri
at labanan ang dinastiya't tusong naghahari

kami'y taospusong bumabati sa inyo ngayon
pasasalamat sa mga nakasama sa layon
huling hirit na tula sa pagtatapos ng taon
ang aming handog, sa inyo, Manigong Bagong Taon!

- gregoriovbituinjr.
12.31.2021

Sa pag-uwi

SA PAG-UWI

nagkatuwaan kami sa traysikel na nasakyan
dahil sa loob ay saglit kaming naglitratuhan
ikasampu na ng gabi nang umuwing tahanan
kami ni misis mula pamamasyal at lambingan

mabuti't walang unos, di umulan buong araw
subalit pusikit na gabi'y sadyang anong ginaw
walang buwan, bagamat may bituing natatanaw
masaya ang damdamin, paligid ay di mapanglaw

may bilin sa traysikel na nilitratuhan noon
na nagsasabing "Huwag tapakan" ang bandang iyon
huwag daw ang mga paa'y itukod o ituon
upang di bumaligtad yaong nakasakay roon

simpleng paalala upang di tayo madisgrasya
mga numerong nuwebe'y tila nakangiti pa
sapatos ko't may kyutiks na daliri niya'y kita
na habang naglalambingan ay di natataranta

-gregoriovbituinjr.
12.31.2021

Bawal magyosi

BAWAL MAGYOSI

"Saan ang smoking area n'yo dito?" kanyang tanong
"Doon ho! Mga limang milya mula dito!" tugon
sa kanya ng manang, gayong magpapaputok doon
upang salubungin ang palapit na Bagong Taon

kaygandang bungad, bawal doon ang manigarilyo
kung nais mong magyosi, limang milya'y lakarin mo
tila ba environmentalist ang manang na ito
kapuri-puri rin ang komiks sa mensahe nito

paano kung may yosi'y may labintador na tangan
kunwa'y magyoyosi, paputok pala'y sisindihan
baka makadisgrasya pa't daliri'y maputukan
mabuti na lang at alisto ang matandang manang

nawa'y alagaan pa rin ang kalikasan natin
pati daliri ng mga bata'y alagaan din
pag nawalan ng daliri'y habambuhay dadalhin
ng maputukan, pagsisisi'y nasa huli man din

- gregoriovbituinjr.
12.31.2021

* litrato mula sa pahayagang tabloid na Pilipino Star Ngayon, 12.31.2021, pahina 10.

Mensahe sa payong

MENSAHE SA PAYONG

napakainit ng panahon, dama'y alinsangan
sa isang mapagpalayang pagkilos sa Diliman
nang matanaw ko ang nakapayong na mga manang
kayganda ng tatak sa payong at nilitratuhan

panawagan iyong sa aking puso'y ibinulong
nang sa rali't mainit na semento'y nakatuntong
sa tumitinding klima'y saan ba tayo hahantong
na kung di malutas, danasin ay kutya't linggatong

Araw ng Karapatang Pantao noong magrali
habang mga lider-masa'y nagbigay ng mensahe
na huwag ipanalo ang mga tusong buwitre
at buwagin na ang mga political dynasty

gayunman, mensahe sa payong ang agad nakita
ngayon, nanalasang Odette ay nararamdaman pa
ng mga tao't maraming lugar na sinalanta
anong tindi bagamat di sintindi ng Yolanda

mensahe yaon nang buhay ay di basta mapatid
upang tao'y di masadlak sa kumunoy na hatid
mahalagang mensaheng marapat nating mabatid
upang sa pusikit na gabi'y di tayo mabulid

- gregoriovbituinjr.
12.31.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa rali noong 12.10.2021, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao
* nakatatak sa payong ay "Climate Justice Now" na nilagdaan ng APMDD (Asian People's Movement on Debt and Development)