Linggo, Oktubre 24, 2021

Usapang manok

USAPANG MANOK

tatlong manok ang nakatali doon sa kulungan
habang manok na nasa laya'y nakatanghod lang
marahil napag-usapan nila ang kalayaan
masarap ang buhay sa laya, ang nasabi naman

patungong bitayan na ba ang tatlong nakakulong?
nagpiit ba sa kanila'y naghanda na ng gatong?
nagawa lang ng tatlong manok ay bumulong-bulong
tanong ng manok sa laya, anong maitutulong?

baka naman manok ay kanilang aalagaan
o palakihin ang magiging magilas na tandang
o paiitlugin ang magiging inahin naman
ngunit sa may-ari ng manok yaong kapasyahan

natapos agad ang kanilang munting pag-uusap
nang kulungan ay kinuha agad sa isang iglap
dadalhin sa kung saan, bibitayin na bang ganap?
o sila'y aalagaan ng may buong paglingap?

- gregoriovbituinjr.
10.24.2021

Natumbang saging

NATUMBANG SAGING

tinumba marahil ng bagyo ang buwig ng saging
kanina ko lang nakita sa likod-bahay namin
baka maunahan ng daga, dapat ko nang kunin
kaysa  saging na mahihinog na'y kanyang ngatngatin

higit isang buwan na nang una ko itong kunan
ng litrato nang muling umuwi ng lalawigan
dahil potasyum itong pampalakas ng katawan
na naging paksa na rin ng tula sa kalusugan

ngalang agham pala nito'y musa acuminata
ang ibang ispesyi nito'y musa balbisiana
na hybrid ng dalawa'y musa paradisiaca
habang musa sapientum ang lumang ngalan niya

anong sarap ng saging na tanim mo pag nahinog
pagkat alaga mo ito'y talagang mabubusog
habang katabing kumakain nito'y iniirog
na dahil sa potasyum, katawan ninyo'y lulusog

- gregoriovbituinjr.
10.24.2021