Huwebes, Pebrero 24, 2022

Sa ibang landas

SA IBANG LANDAS

baka dapat nang mawala sa kanilang daigdig
at tahakin ang bagong mundo ng buong sigasig
bilang nobelistang minsang nakipagkapitbisig
sa mga niyurakan ng dangal at inuusig

iyan marahil ang tanda ng nawalang trabaho
dahil sa tatlong buwang liban dahil sa sakit ko
subalit di naman malala, lamang ay seryoso
tulad ng gagawing nobelang batay sa totoo

di naman ako mawawala, naririyan pa rin
subalit iba na nga lang ang aking tatahakin
isang buhay-pampanitikan na madalas gawin
bilang makata, ngayon ay nobela ang layunin

ah, panahon nang mawala sa kanilang daigdig
upang mapasok ko na rin ang kabilang daigdig
upang ilarawan ko sa nobela ang pag-usig
sa mga trapo't mapanlinlang, dugong malalamig

sana sa bagong larangang ito ay magtagumpay
sana'y makalikha ng nobela bago humimlay
noon pa'y nakilala akong makata ng lumbay
nais ko namang makilalang nobelistang tunay

- gregoriovbituinjr.
02.24.2022

Misyon ni EarthWalker

DI PA TAPOS ANG MISYON NI EARTHWALKER

di man niya hinahangaan si Luke Skywalker
o sinuman sa mga Jedi, maging si Darth Vader
sumusunod naman sa batas, di naging Jaywalker
ay naritong patuloy ang lunggati ni EarthWalker

dahil sa programang pangkalikasang pinasukan
facebook page na EarthWalker ay agad nilikha naman
upang sanaysay at tula hinggil sa kalikasan
ay sa EarthWalker mailathala, maging lagakan

ngunit sa programang iyon ako na'y maaalis
dahil lumiban ng tatlong buwan nang magkasakit
nagka-Covid, T.B., diabetes pa'y tinitiis
subalit EarthWalker ay nilalamnan pa ring pilit

konsepto'y nagmula nang mag-Climate Walk ang makata
kasama ng iba'y naglakad at nagtapos mula
Luneta hanggang Tacloban, lakaring anong haba
at muling naglakad sa isang malamig na bansa

patuloy ang pagkatha ng tula sa kalikasan
panawagang Climate Justice ay laging lakip naman
sa tula't sanaysay ang masa'y mapaliwanagan
pati na samutsaring paksang pangkapaligiran

hanggang ngayon, di pa tapos si EarthWalker sa misyon
hangga't may hininga, magpapatuloy pa rin iyon
sa gawaing pagtula't pagmumulat niyang layon
bilang handog sa mga susunod na henerasyon

- gregoriovbituinjr.
02.24.2022

Pagharap sa kawalan

PAGHARAP SA KAWALAN

nagbabantang ako'y mawalan na ng kabuhayan
na binibigay ng buo kay misis buwan-buwan
apektado ang buong katawan ko't kalingkingan
nagkasakit kasi ako't nawalang tatlong buwan

inaamin ko, sarili ko lang ang sinisisi
dahil sa aking kapalpakan ang ganyang nangyari
gayunman, nagpapasalamat ako sa marami
ako'y naging kabahagi ninyo't nakapagsilbi

isang bagong mapagkukunan ang aking hagilap
upang may maibigay kay misis at sa pangarap
subalit saan, saan makikita ang paglingap
sa makatang taring na bagong diskarte ang hanap

kung sana'y may pahayagang maaaring tumula
na aking tatambakan ng nagpupuyos kong diwa
ah, sana'y may ganyang diyaryo, paano kung wala
sa kangkungan ba pupulutin ang abang makata

dapat may makuhang trabaho't pambili ng gamot
lalo't di tama ang panghihingi't paabot-abot
aayusin ko rin yaong asignatura't gusot
bago pa sa malayong paglalakbay pumalaot

maraming barya ang isinuksok ko sa tibuyo
o alkansya baka mga naipon ay lumago
ah, pulos kapalpakan, kasawian, pagkabigo
aray ko, sa diwa ko't puso'y sirit na ang dugo

- gregoriovbituinjr.
02.24.2022