Biyernes, Oktubre 16, 2015

Bakit nagkakotse lang, di na ngumingiti

BAKIT NAGKAKOTSE LANG, DI NA NGUMINGITI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bakit nagkakotse lang, di na ngumingiti
o baka naman bakit di na makangiti
pag yumaman ba'y nagiging mapagkunwari
gayong dating kasama sa dusa't pagngiwi

noon, pag ngumiti'y naniningkit ang mata
ngayon, tila baga siya na'y nangmamata
dating kasama'y parang di na kakilala
ganyan ba pag sinwerte ang mga tulad n'ya

bakit di na makangiti pag nagkaawto
na napanalunan lang, malaki ang premyo
bakit nalimutan ang pagpapakatao
pag yumaman ba'y sadyang nagkakaganito

pagkatao'y nagbago sa yamang nakamit
nagbago man ay huwag na sanang manlait
kung sakali mang ang awto niya'y mailit
baka ngumiti siya't bumalik ang bait

Tsismoso't Tsismosa

TSISMOSO'T TSISMOSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

itlog ang pinag-uusapan, sa iba'y sisiw na
ganyan nga pag nakinig ka sa tsismoso't tsismosa
may mga dagdag na sa kanilang ibinibida
aakyat pa lang ng ligaw ay agad sinagot na

tulad ba nila'y pwede nang maging mamamahayag
kung inuulat nila'y lagi nang kayraming dagdag
maaaring kwentista, ngunit reporter na'y huwag
sa panuntunan nito'y laksa na ang nalalabag

katanggap-tanggap kaya silang saksi sa hukuman
nililikha nila'y apoy ang mga usok pa lang
ang mga masasayang kwento nila'y masasayang
kung kinalburong mangga'y sinasabing manibalang

bakit sa gabi't araw sila'y tila alumpihit
tsismisan ng tsismisan, dala ba ito ng inggit
pag pagkasira na ng kapwa ay lagi nang bitbit
sa mga tsismoso't tsismosa'y tama lang magalit