MAYO 7, ARAW NG MGA HEALTH WORKER
ang ikapito ng Mayo ay Health Workers' Day pala
sa mga health worker, salamat sa inyo talaga
dahil sa sakripisyo't ambag n'yo para sa masa
sa inyong araw, kayo po'y aming inaalala
noong pandemya, kayo'y pawang nagsilbing frontliner
nag-alaga sa maysakit naming father at mother
talagang malaki ang tinulong ninyong health worker
upang pandemya'y malusutan ng brother at sister
bilang one sero sero six nine, Batas Republika
ikapito ng Mayo bawat taon dineklara
na Health Workers' Day, at ganap kayong kinikilala
special working day ang sa inyo'y itinalaga
sana sa kabila ng inyong mga sakripisyo
ay tapatan ito ng nakabubuhay na sweldo
at matanggap ninyo'y nararapat na benepisyo
dahil inyong buhay na'y inilaan sa serbisyo
kaya lahat sa inyo'y taospusong pagpupugay!
nawa'y magpatuloy pa kayo sa serbisyong tunay
para sa mga mamamayang may sakit na taglay
tangi kong masasabi'y mabuhay kayo! Mabuhay!
- gregoriovbituinjr.
05.07.2023
* ang litrato ay mula sa editorial ng dyaryong The Philippine Star, May 7, 2023, p.4
Linggo, Mayo 7, 2023
Sa ulilang pader man
SA ULILANG PADER MAN
sa ulilang pader man, may tumutubong halaman
tila ba ito'y salawikaing alay sa bayan
marahil ay hinggil sa buhay ng mga iniwan
o naulila sa sakuna, sigwa o digmaan
kayang mabuhay, wala man sa madawag na gubat
basta kumilos ka lang, magbubunga rin ang lahat
di man maging ganap na puno dahil lupa'y salat
ay pinili pa ring damhin ang araw sa pagsikat
ihip ng hangin sa kanyang dahon ay humahawi
maging ang patak ng ulan sa dumi'y pumapawi
maging ang araw sa umaga, sila'y binabati
habang mga taong nagdaraa'y napapangiti
sige, halaman, mabuhay ka, kahit nag-iisa
pagkain ng mga ibong binigyan mong halaga
baka sa kanila'y may alay kang binhi o bunga
ah, sa kalikasan ng lungsod, isa kang biyaya
- gregoriovbituinjr.
05.07.2023
Sa dyip
SA DYIP
sumakay kami ni misis
nang magkatapatan sa dyip
matagal bago umalis
mata ko'y nais umidlip
naupo kami sa bungad
nang madaling makababa
kanina, naglakad-lakad
ngayon, sumakay nang sadya
pag may taym ay namamasyal
gumalaw nang di ma-istrok
huwag lamang hinihingal
kaya sa health ay tumutok
aba'y bababa na kami
at uuwi na sa amin
bukas na naman ay busy
at marami nang gawain
- gregoriovbituinjr.
05.07.2023
Kumain kaming muli sa bangketa
KUMAIN KAMING MULI SA BANGKETA
sa bandang hiway, may gulong na karinderya
at naglagay ng mesa't silya sa bangketa
umorder kami ni misis at kumain na
ang ulam ko'y talong at pares ang sa kanya
maglakad-lakad lalo na't araw ng Linggo
pagkat kailangan naming mag-ehersisyo
dahil pampatibay ng kalamnan at buto
gumalaw-galaw din pag may panahon tayo
buhay-mag-asawa'y ganyan paminsan-minsan
pag walang pasok, magkasama sa tahanan
pag di nakaluto, sa labas ang kainan
buti't sa bangketa'y may nakaluto naman
pag weekdays, buhay namin ay napaka-busy
pag weekends, magkasama sa buhay na simple
maraming salamat at nabusog na kami
anong sarap, marahil dito'y mawiwili
- gregoriovbituinjr.
05.07.2023
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)