Linggo, Hunyo 8, 2025

Ensayo sa pagtayo

ENSAYO SA PAGTAYO

si misis ay nagpa-praktis
na sa pagtayo bagamat
siya'y inaalalayan
huwag munang apurahin
kaya paunti-unti lang

lalo na't naparalisa
ang kanyang kanang bahagi
ang balikat, braso, siko,
hita, binti hanggang paa
nang siya ay magka-blood clot

sa pagitan ng artery
at vein sa utak, kami nga'y
nasa ospital pa't siya'y
nagpi-physical therapy
occupational therapy

gamutan ay matagal pa
sana'y magpalakas siya
ngunit dahan-dahan muna
asam kong gumaling siya't
makatayo na talaga

- gregoriovbituinjr.
06.08.2025

Walang clue ang Fill-in Puzzle

WALANG CLUE ANG FILL-IN PUZZLE

walang anumang pahimaton o clue
sa Fill-in puzzle na sinagutan ko
kaya gagamitan mo ng lohika
paano lalapat ang tamang letra

ng bawat salita sa titikahon 
ikaw ang hahanap ng pahimaton
hahanapin ang salitang lalapat
upang sa titikahon ay isulat

nasa listahan ang pipiliin mo
na tamang salitang bubuo rito
tsekan agad ang salitang ginamit
upang di malito't di na maulit

basta clue ay maaga mong mahanap
ito'y masasagutan mo nang ganap
ay, anong gandang libangan ng Fill-in 
ang kalooban mo'y pagagaanin

- gregoriovbituinjr.
06.08.2025

Sanggol, 1, patay sa napabayaang kandila

SANGGOL, 1, PATAY SA NAPABAYAANG KANDILA

ikalawang beses na raw ito
na nagkasunog at may namatay
na bata dahil napabayaan
ang isang nakasinding kandila

isang taong gulang ang namatay
na iniwan ng mga kapatid
upang sa pistahan ay gumimik
ay, pinabayaan ang kapatid

nakalulungkot ang ganyang ulat
nawa'y wala nang ikatlong ulit
ang nangyari'y nakapagngangalit
na pinabayaan ang kapatid

magulang nila'y nasa trabaho
nang mangyari ang sunog na ito
at kung ako ang tatay ng bata
anong sakit, tiyak na luluha

baka sisihin pa ang sarili
di na maibabalik ang dati
na sa napabayaang kandila
ay buhay ng musmos ang nawala

- gregoriovbituinjr.
06.08.2025

* ulat mula sa pahayagang Remate, Mayo 26, 2025, p. 3

Pagkain

PAGKAIN

pansin ko, binibigay ni misis sa akin
ang pagkaing laan sa kanya't di kinain
lalo't batid niyang di ako nag-almusal
maya pa kakain sa canteen ng ospital

para sa kanya ang pagkaing ibinigay
di ako kahati roon sa isda't gulay
pagkat iyon ay sapat lang para sa kanya
diet na laan sa maysakit na asawa

kaya nga pag iyon ay hinati pa namin
tila paglakas niya'y pinagkait ko rin
ngunit pag pakiramdam niya'y gutom ako
ako'y hahatian, kaybait ng misis ko

ngunit siya ang kailangang magpalakas
kaya nagpasiya ako't aking nawatas
kakain ako bago pa siya kumain
upang pagkain niya'y kanyang uubusin

o kaya'y bibili na ako sa kantina
ng pagkain ko upang may kasalo siya
ay, ganyan nga ang dapat kong gawin talaga
upang sabay kaming mabusog ng asawa

- gregoriovbituinjr.
06.08.2025

Ang nawawalang nailcutter

ANG NAWAWALANG NAILCUTTER 

nawawala ang nailcutter ko
mahaba na ang aking kuko
hinanap ko na sa gamit ko
ngunit di na makita ito

nawawala'y hahagilapin
kung wala talaga, gagawin:
bagong nailcutter na'y bibilhin
sa tindahang kaylayo man din

pilosopiya'y naapuhap
nawala lang ang hinahanap
ang wala'y di na hinagilap
pagkat pagkawala na'y tanggap

bagong nailcutter na'y nagamit
mga kuko ko na'y lumiit
ang hinlalaki, hinliliit
at nasa gitna na'y ginupit

- gregoriovbituinjr.
06.08.2025