Martes, Hulyo 28, 2020

Pananghaliang kamatis at tuyo

sadyang kaysarap kumain ng kamatis at tuyo
pagkain ng dalita, murang-murang nilalako
mabubusog na'y nakakawala pa ng siphayo
habang sa gunita'y sintang naroon sa malayo

wala mang katabi'y kasalo pa rin ang diwata
na habang kumakain ay siya ang nasa diwa
huwag sanang mahirinan habang nasa gunita
baka bundat na ang tiyan ay di pa rin halata

aba'y mabubusog kang tunay sa tuyo't kamatis
lalo't nasa kwarantina't bayan ay nagtitiis
pag kumain daw ng kumatis, kutis mo'y kikinis
pag kumain daw ng tuyo, gaganahan kang labis

halina't magsalu-salo na sa pananghalian
tuyo't kamatis ay sahugan natin ng kwentuhan
mabubusog ka na'y ramdam mo pa ang kagalakan,
anong sarap, baka ito'y mauwi sa inuman

- gregbituinjr.

Wala mang nagbabasa ng mga nalikhang tula

wala mang nagbabasa ng mga nalikhang tula
isulat lang ng isulat anumang nasa diwa
marahil ay di sa panahong ito nanunudla
ang bugso't palaso ng mga taludtod ko't tugma

doon sa ikadalawampu't limang kabanata
ng nobelang Noli ni Rizal ay sinabing pawa
ni Pilosopo Tasyo kay Ibarra, na inakda
niya'y nasa hinaharap ang makakaunawa

marahil din, natititik man sa sariling wika
ang iwing tula'y di pa rin binabasa ng madla
baka sunod na salinlahi ang magbasang sadya
lalo't ang makatang ito'y tuluyang namayapa

ang tula ko'y di na akin pag tuluyang nawala
kundi ang daigdig na ang aangkin nitong tula
kaya kung ngayon man pamanang ito'y balewala
sa ibang panahon ay baka ambag sa paglaya

- gregbituinjr.

Pasiglahin ang katawan at isipan

dapat kong tiyaking masigla ang aking katawan
at huwag hayaang patulog-tulog sa pansitan
pasiglahin, di lang kalamnan, kundi ang isipan
nang gumana ito, nakatitig man sa kawalan

bawat araw, yaring pluma'y nakatakdang lumikha
ng dalawa o tatlong tulang nahagip ng diwa
sa samutsaring kalagayan, iba't ibang paksa
ngunit nakabatay pa rin sa prinsipyo't adhika

dapat magbasa, magnilay, o tumingin sa kisame
baka makita'y butiki o sumulpot ang bwitre
pluma'y kunin, isulat ang pasaring ng salbahe
o kaya'y ang ibinulong ng katomang kumpare

kaya dapat pasiglahin ang katawan at isip
bakasakaling sa naisulat ay may masagip
na magpapatiwakal, o may balitang nahagip
na kung maisusulat ay dapat munang malirip

- gregbituinjr.