Miyerkules, Abril 25, 2018

Ang pagsuyo'y di man sintamis ng asukal

Mahal kong kasi, ikaw ang tangi kong mahal
Ang pagsuyo'y di man sintamis ng asukal
Hapunan nati'y may pagsinta ring minindal
At bubusugin sa tanghalia't almusal

Lihim kong pagsinta nawa'y iyong sipatin
Kung sakali'y titigan ang mga bituin
O kaya'y dinggin ang mga palipad-hangin
Nitong pagsuyong langit man ay aakyatin

Gigisingin ng pag-ibig ang pusong tulog
Suminag man ang araw, sa gabi'y lumubog
Irog ma'y tangay sa ulap nitong pag-irog
Na kasa-kasama sa bundok mang matayog

Tanging pag-ibig lamang ang tunay at wagas
At aakay sa atin sa magandang bukas.

- gregbituinjr.