Lunes, Hunyo 22, 2020

Pagbabalik-aral sa matematika

naghahanap ako ng review center ng geometry
basic math, calculus, number theory, trigonometry
balik-aral na may sertipiko'y nais mangyari
bakasakaling makapag-tutor sa estudyante

habang tinutula ang ilang nalalaman sa math
habang muling binabasa ang samutsaring aklat
habang nagsasagot ng mga ekwasyong nabuklat
habang sa lockdown nabuburyong pagkat nagsasalat

di sapat ang araw-gabing maglaro ng sudoku
dapat may aplikasyon bawat natutunan dito
subalit dapat magbalik-aral pa ri't magrebyu
at makamit din ang inaasam kong sertipiko

muling nagrerebyu sa pagbabasa sa internet
lalo't nagpultaym agad noon kaya undergraduate
kung may review center ay mag-eenrol akong pilit
pagkat iba pa rin kung may sertipikong makamit

- gregbituinjr.
06.22.2020

Tanaga't dalit sa papel na makitid

limang short bond paper lang ang kailangan ko noon
ginupit ang long bond paper upang maging short iyon
dalawang pulgadang papel din ang napilas doon
sayang lang kung di magamit ngunit di ko tinapon

sa halip gupitin ang long bond paper, di ba dapat
bumili na lang ng short bond paper, subalit salat
sa salapi't gabi na, tindaha'y saradong lahat
napilas na papel pala'y magagamit kong sukat

inistapler ko yaong mga papel na ginupit
lapad ay dalawang pulgada, handa nang magamit
haba'y walo't kalahating pulgada, ito'y sulit
at masusulatan na ng mga tanaga't dalit

tanaga'y tulang may pitong pantig bawat taludtod
sa dalawang pulgadang papel ay kayang mahagod
dalit nama'y tigwawalong pantig bawat taludtod
mga katutubong tulang kaysarap itaguyod

parang papel ng huweteng, sinulatan ng tula
sa papel na makitid, kayrami nang makakatha
di nasayang ang papel na puno ng dusa't luha
nagamit sa panitikang may diwa ng paglaya

- gregbituinjr.
06.22.00

Labantot

tinawag ko nang labantot ang mabahong lalabhan
dahil naiwan kong nakatiwangwang sa lagayan
ng labahin ang mga damit kong pinagpawisan
ngayon nga'y lalabhan ang mga labantot na iyan
pagkat di dapat mga labantot ko'y pabayaan

mahirap sadyang maiiwan mo itong labantot
sapagkat dumi'y nagtututong na katakot-takot
ibabad sa bumubulang sabon, saka ikusot
t-shirt, salawal, brief, pantalon, kamisetang gusot
kuwelyo, pundiyo, singit, kili-kili'y makutkot

sabunin at kusutin at sabunin at kusutin
hanggang mawala ang dumi't bumango ang labahin
babanlawan ng maigi, sa pagsampay pigain
i-hanger o sa alambre't lubid isampay na rin
huwag hayaang gusot, sa araw na'y patuyuin

- gregbituinjr.
06.22.2020