Miyerkules, Oktubre 17, 2018

Nasunog na Dalawang Bata dahil sa Lighter

2 BATA'Y NASUNOG DAHIL SA LIGHTER

apat na taon at dalawang taon, magkapatid
sa maagang yugto pa lang, buhay nila'y napatid
dahil sa pinaglaruang lighter, sila'y binulid
sa tiyak na kamatayan, nang di agad nabatid

wala ang mga magulang sa kanilang tahanan
ama'y nag-igib ng tubig, ang ina'y nasa bayan
panganay ay nakapagkwento pa sa pagamutan
kung paano napasindi ang lighter sa higaan

kumapit ang apoy sa banig, kumot at kulambo
hanggang kumalat sa buong bahay, sila'y napaso
hanggang tuluyang mamatay ang panganay at bunso
ah, pangyayaring ito'y sadyang makadurog-puso

tiyak, magulang nila'y labis-labis ang pagtangis
sino ang dapat sisihin sa kanilang hinagpis
kapabayaan nila'y nakapagsisising labis
anak na'y wala, mundo nila'y puno na ng hapis

- gregbituinjr.

(batay sa ulat sa pahayagang Remate na may pamagat na "2 Bata Nalitson sa Lighter", 16 Oktubre, 2018, pahina 3)

Pagkasawi ng 9-anyos na bata

PAGKASAWI NG 9-ANYOS NA BATA

nasawi'y isang siyam na taong gulang na Aeta
nang tumalon mula traysikel na sinakyan niya
naroon sa bubungan ng traysikel ang biktima
tumalon nang akalaing madidisgrasya sila

higit dalawampu ang lulan nitong pasahero
gayong lima lamang dapat ang nilululan nito
tumalon ang bata'y naunang bumagsak ang ulo
sa sementadong kalsada'y namatay agad ito

subalit bakit ang drayber pa itong makukulong
"reckless imprudence resulting in homicide" daw iyon
di naman niya kasalanang ang bata'y tumalon
sa nangyaring paglundag, ang bata ang nagdesisyon

nais niyang iligtas ang sarili sa panganib
ngunit pagbabakasakali'y di ikinasagip
sa pamilya, kamatayan niya'y dagok sa dibdib
pagkawala ng maaga sa mundo'y di malirip

- gregbituinjr.

(batay sa ulat sa pahayagang Remate na may pamagat na "9-anyos tumalon sa tricycle, patay" 16 Oktubre, 2018, pahina 3)