Huwebes, Pebrero 17, 2022

Bawal umihi dito

BAWAL UMIHI DITO

"Bawal umihi dito!"
ayon sa karatula
multa'y sanlibong piso
baka matulala ka

kung ikaw ay maysakit
dapat alam kung saan
iihi lalo't sirit
sa pantalon na naman

pader kasi'y papalot
o sa ihi papanghi
kaya di tinutulot
na sa pader umihi

kung di mo na matiis
sasabog na ang pantog
umihi ng mabilis
kung mahuli ka'y durog

huwag ka lang pahuli
lalo't salbaheng mama
pag-ihi'y di na libre
sa multa'y matulala

- gregoriovbituinjr.
02.17.2022

Ang maging tinig

ANG MAGING TINIG

"The least I can do is speak out for those who cannot speak for themselves." ~ ayon sa pabalat ng isang kwadernong ginagamit ko

anong ganda ng tinuran sa isa kong kwaderno
binili ko iyon dahil sa pabalat, tanda ko
kaylapot ng paninindigan, kaygandang prinsipyo
tinig niya'y para sa walang tinig sa bayan ko

parang ako, isang sagad-sagaring aktibista
sa mahabang panahon ay naging boses ng masa
di sa Kongreso o Senado kundi sa kalsada
na sa mga rali'y pinagsasalitang talaga

pagkat tungkulin ko bilang sekretaryo heneral
ng ilang organisasyon, sa diwa ko'y nakintal
sa init man ng araw, patuloy sa pagpapagal
lalo't sa poder o pader, dukha'y di nakasandal

magpapatuloy akong isang mabangis na tinig
para sa mga dukha't api nang magkapitbisig
ipapakita ang marangal na prinsipyo't tindig
pagbabago man ng sistema'y lumabas sa bibig

isa itong pagtaya o commitment ko sa madla
ang maging tinig ng mga di makapagsalita
ang maging boses ng mga inapi't mahihina
ang kanilang isyu'y sasabihin o itutula

- gregoriovbituinjr.
02.17.2022

Labada

LABADA

nang makapananghali'y naglaba
nitong damit ng aking asawa
sa akin, wala namang problema
kung labada man ay sangkaterba

suot ni misis ang mga iyon
ng ilang araw hanggang kahapon
ako'y kuskos dito, kuskos doon
sinabay na damit ko't pantalon

hanggang nilabhan ko'y binanlawan
bago isampay ay pinigaan
aking hinanger ang karamihan
ang iba'y inipit sa sampayan

ganyan kami, tulungan sa bahay
ako'y maglalaba't magsasampay
sa pagkukusot, may naninilay
akin palang diwa'y naglalakbay

kung saan-saan nakakarating
tila baga ako'y nahihimbing
kaya maglaba'y kaysarap gawin
pagkat may tula nang kakathain

- gregoriovbituinjr.
02.17.2022