Martes, Mayo 31, 2016

Ang integer

ANG INTEGER
9 pantig bawat taludtod

alam na rin ng mga kinder
na ang integer ay whole number
ngunit pag binangga mo'y pader
aba'y para kang minasaker

ang integer ba'y naging tinik
sa mga trapong anong bagsik
tila bisig nila'y kumilik
sa upuang nakasasabik

kung may fraction man o decimal
ang round off sa batas ay bawal
na pinilit ng trapong hangal
nang manok ang nasa pedestal

integer ay binabalewala
nitong pader na "pinagpala"
minaniobra nga bang sadya
ang tinuro sa mga bata

ang integer ba'y intindido
ng may pinag-aralang trapo
bakit ang guro'y niloloko
ng mga pulitikong tuso

Isang upuan sa Ating Guro'y dapat ibigay

ISANG UPUAN SA ATING GURO'Y DAPAT IBIGAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaylakas ng unos subalit patuloy ang kampay
dumatal yaong sigwa'y pumapadyak silang sabay
sa buhawing dumaan, sila ang magkakaramay
di payag na sa delubyo'y tanghalin silang bangkay

patuloy ang paglaban, tuloy ang pakikibaka
paniwalanila, hangga't may buhay, may pag-asa
kung ano ang wasto'y sadyang ipaglalaban nila
kaytatag sa pagdatal ng laksa-laksang problema

hindi ba't mga guro ang nagtuturo ng wasto
bakit inagaw ang upuan nila sa Kongreso
takot nga ba sa kanila ang sangkaterbang trapo
pagkat baka mabigyan nila ng mababang grado

isang upuan sa Ating Guro'y dapat ibigay
pagkat nanalo't karapatan nila itong tunay

*  binasa ang tulang ito sa harap ng COMELEC habang nagsasagawa ng programa ang grupong ATING GURO, Mayo 31, 2016