PAG GUTOM ANG LAMOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
pag gutom ang lamok, kutis ang pinupupog
dala nitong sakit sa atin dumudurog
sa dengge't malarya'y kayrami nang namatay
na nagdulot sa mga ina nitong lumbay
halina't kumilos bago muling dumami
ang mga lamok na sa atin pumipeste
dahil pag gutom ang lamok, maghanda ka na
mahirap magpagamot ng dengge't malarya
pigilan ang pagdami nitong mga lamok
sa dugo natin, sila nga'y hayok na hayok
tanggalin ang naimbak na tubig sa kanal
wasakin ang pinangingitlugan ng hangal
tandaang kayrami nang namatay sa dengge
at sa malarya'y kayrami na ring nadale
"prevention is better than cure," ika nga nila
magastos magpagamot, kayraming abala