DI LAHAT NG TAHIMIK, NASA LOOB ANG KULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
di lahat ng tahimik ay nasa loob ang kulo
pagkat sila'y nag-iisip muna bago kumibo
nagsusuring lagi upang di sila matuliro
sa maraming bagay, isyu't pangyayari sa mundo
marahil sila rin ay may pangarap na gumuho
kaya di malasap sa buhay ang anumang luho
marahil sila'y mahihirap na salat at tuyo
na ramdam sa lipunan ay pagkaapi't siphayo
marahil sila rin yaong taong may tinatago
na kung mabubuking, sila'y agad nang maglalaho
marahil sila rin ang tahimik na nadudungo
sa dalagang pinakaiibig nang buong puso
may tahimik na di na alam kung saan patutungo
dahil pag-asang pagbabago'y di na mapagtanto
may tahimik namang ang pluma'y armas, nanggugupo
at sa aping masa'y rebolusyon ang tinuturo
di lahat ng tahimik ay nasa loob ang kulo
dahil may masasaya sa sarili nilang mundo
tulad sila ng ahedres na tahimik na laro
matalas, may inisyatiba, may sariling palo
kung uunawain lang sila, tayo'y may mabubuo
na ugnayang tapat, sila ma'y ating makabunggo
di agad mag-iinit ang ating kamao't dugo
pang-unawa'y una upang maling haka'y maglaho