Martes, Agosto 18, 2009

Sa Frat at Gang Nanghiram ng Tapang

SA FRAT AT GANG NANGHIRAM NG TAPANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Marami'y matapang dahil sila'y may frat
Ang iba'y tumapang dahil sila'y may gang
Naghahanap ng kakampi kaya nag-frat
Sa frat at gang sila nanghiram ng tapang.

Dahil may frat kaya ang asta'y mayabang
Dahil may gang kaya sila'y nanggugulang
Doon natuto ng mga kalokohan
Natutong maging ang kaluluwa'y halang.

Maganda raw ang kanilang nilalayon
Pagkakapatiran yaong laging tugon
Ngunit daming namatay sa inisasyon
Dahil nag-akalang may mabuting misyon.

Sa ganitong samahan sumapi sila
Upang sa gulo'y agad may makasangga
May takot silang mamatay ng maaga
Kaya kailangan nila ng katropa

Ngunit ang iba naman ay nayaya lang
Nitong mga kaeskwela't kaibigan
Tulad ko noon ng nasa hayskul pa lang
Pagkat uso noon ang mga samahan.

Maangas ka kasi kapag may kagrupo
Walang sinuman ang gagalaw sa iyo
May masusumbungan at merong padrino
Pag isa sa kanila'y inagrabyado.

Pero kapag aking away, away ko lang
Samahan ko'y ayokong makikialam
Pagkat ayokong ako'y napupulaan
Na matapang lamang dahil may samahan.

Ngunit nang ako'y maging isa nang tibak
Rebolusyon na ang nasa aking utak
Unti-unti'y natanggal ko yaong tatak
Ng frat at gang na minsang naging kabatak.


Dapat Tayo, Hindi Trapo

DAPAT TAYO, HINDI TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

dapat tayo, hindi trapo
ang guguhit sa kapalaran ng bansa
hindi trapo, kundi tayo
ang kikilos upang tayo ay lumaya

kaya tayo, hindi trapo
ang mag-oorganisa sa manggagawa
hindi trapo, kundi tayo
ang tutulong sa mga inapi't dukha

dapat tao, hindi trapo
ang pangunahin nating inaadhika
hindi trapo, kundi tao
sistemang ito'y babaguhin ng madla

walang aasahan sa mga trapo
ang buong sambayanang Pilipino

1.75 Milyong Pisong Lamon

1.75 MILYONG PISONG LAMON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Inuubos sa luho ang pera ng bayan
Sa ibang bansa ng mga trapong gahaman
Higit isang milyon sa dalawang kainan
Nagpakabusog, tila di na nahirinan.

Sa una, halaga sa piso'y isang milyon
At halaga ng kasunod nilang nilamon
Pitong daan limampung libong piso iyon
Habang sa bansa'y maghigpit daw ng sinturon.

Kayluluho ng trapo sa lupang banyaga
Habang maraming gutom sa sariling bansa
Habang kaybaba ng sahod ng manggagawa
Habang naghihirap ang marami sa madla

Dapat ngang isigaw sa mga gagong trapo:
Galit na itong bayan, babagsak din kayo!

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 2, Taon 2009, p. 8.