Linggo, Abril 17, 2016

Lambanog at huntahan

LAMBANOG AT HUNTAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nangangagat ang kulisap buti't nakapantalon
mabuti't mga kasama'y may lambanog na baon
bago kami magpahinga't magsitulog sa karton
lambanog ay karamay sa aming huntahan doon

napag-uusapan hindi ang sakit ng kalamnan
kundi marangal na layon ng mahabang lakaran
nagsimartsa'y ilang araw na sakaha'y iniwan
upang dalhin ang hinaing sa kinauukulan

huntahan habang nagsisipagbarik ng lambanog
lalaugan ma'y nilulumot hanggang sa mayugyog
na kahit pangit ang tulugan, maganda ang tulog
at napapanagimpan ang diwatang iniirog

saanman, ang pakikisama'y di maiiwasan
sa marangal na layon, may lambanog at huntahan

- kinatha sa Pamplona 1 Sports Complex sa Brgy. Pamplona Uno, Las Piñas noong Abril 17, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Sigaw ng kanayunan: Katarungan!

SIGAW NG KANAYUNAN: KATARUNGAN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa bawat paglalakad sa mainit na lansangan
sigaw namin: "Sigaw ng kanayunan: Katarungan!"
islogang umaalingawngaw sa aming lakaran
matatag, tagos sa puso, buo ang kalooban

diringgin kaya ng bayan ang kanilang hinaing?
upang sa isyu ng magbubukid, madla'y mabaling
upang magsasaka'y di mawalan ng isasaing
upang panginoong maylupa'y sakaling magising

basta na lang ba ililibing ang tinig na bahaw?
sa hanging amihan na lang ba'y agad malulusaw?
lumalagkit ang aming pawis sa sikat ng araw
kaya hustisya nawa sa magsasaka'y dumungaw

"Sigaw ng kanayunan: Katarungan!", dapat dinggin
sigaw ng magsasaka'y dapat nating unawain
lalo na ang pamahalaang dapat makinig din
sa bawat bahaw na tinig, puso'y papag-alabin

- kinatha sa Pamplona 1 Sports Complex sa Brgy. Pamplona Uno, Las Piñas noong Abril 17, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Higaang semento, tarpolin at banig na karton

HIGAANG SEMENTO, BANIG NA KARTON AT TARPOLIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaylayong lakarin, pagod, hihimlay sa semento
kisame'y langit, habang nakatitig ang kuwago
magmumulat, iinat, ang puso'y lulukso-lukso
habang masid ang lilipad-lipad na paruparo

ang magsitulog sa banig na karton at tarpolin
ay di nila sukat maranasan, di akalain
subalit dahil sa ipinaglalabang usapin
kaiba't bagong danas ay kanilang kakayanin

bakit kailangang sa ganito kami matulog
tulad ng Katipunerong pangarap ay kaytayog
tila ba sa rosas humahabol kaming bubuyog
upang kamtin ang katarunga't sa bayan ihandog

higaang semento, tarpolin at banig na karton
ay saksi sa panganib, danas, sakripisyo't hamon
nawa'y kamtin ang hustisya't ginhawang nilalayon
upang sa pagbabalik ay amin itong matunton

- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Pagkain, unahin! No to land conversion!

PAGKAIN, UNAHIN! NO TO LAND CONVERSION!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

panawagan ng magsasaka: No to Land Conversion!
mga palayan nama'y huwag gawing subdibisyon
pagkain ay unahin upang madla'y di magutom
dinggin natin ang hibik nila, ito'y isang hamon

bakit gagawing industriyal ang agrikultural
bakit tatanggalan ng lupa silang nagbubungkal
bakit niyuyurakan ang sa magsasaka'y dangal
bakit mga nangangamkam ng lupa'y sadyang hangal

tulad ng ibong nahahapo rin sa kalilipad
magsasaka'y hapo rin sa mahabang paglalakad
ngunit kailangang labanan ang maling pag-unlad
na imbes tao ay negosyo ang pinatitingkad

unahin dapat ang kapakanan ng taumbayan
at hindi yaong kagustuhan ng mga gahaman
magsasaka, magkaisa, baguhin ang lipunan
daigdig na ito'y sa inyo, hindi sa iilan

* binasa sa pulong ng mga magsasaka sa ikaapat na palapag ng Our Lady of the Abandoned Diocesan Shrine sa Putatan, Muntinlupa, Abril 17, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Balita ng Martsa ng Magsasaka sa Inquirer, Abril 17, 2016

BALITA NG MARTSA NG MAGSASAKA SA INQUIRER, ABRIL 17, 2016
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nalathala sa Inquirer ang balita sa martsa
kita ko ang ngiti at saya sa mga kasama
kahit paano'y pansin ang martsa ng magsasaka
at naiparating din sa madla ang hibik nila

- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016